Sa murang edad, matinding pagsubok na sa buhay ang sinusuong ng isang-taong-gulang na si Baby Janela. Lumalaki at halos lumuwa na ang kaniyang mga mata dahil sa genetic disorder na Crouzon Syndrome.
Sa ulat ni Lala Roque sa programang "Brigada," sinabi ni Jhing Losigro, na sadyang malaki na agad ang mata ng kaniyang anak nang kaniyang iluwal.
At sa paglipas pa ng mga araw, lalo pang lumaki ang mga mata ni Baby Janela at hindi na niya maipikit kahit natutulog.
Kaya naman walang magawa si Jhing kung hindi ang lagyan ng tape ang mata ng anak kapag natutulog upang kahit sandali ay makapikit ang bata.
Subalit may pagkakataon na hindi maiwasan na maimpeksiyon ang mata ni Baby Janela kaya madalas siyang madala sa ospital.
Ang isang mata niya na naimpeksiyon at namula, nilagyan na lang ng takip na plastik para maprotektahan.
Ngunit bakit nga ba lumaki at halos lumuwa na ang mga mata ni Baby Janela? May paraan pa kaya upang maibalik ito sa normal? Tunghayan ang buong ulat sa video ng "Brigada."
Sa mga nais tumulong kay Bayby Janela, maaaring makipag-ugnayan kay Jingky Losigno sa 0920-314-9460.
--FRJ, GMA News