Inihayag ng bagong pamunuan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na Pilipinas ang dapat na baybay sa pangalan ng bansa, at hindi "Filipinas."

Inihayag ito sa pulong balitaan ni KWF Commissioner Arthur Casanova, pumalit sa dating pinuno ng komisyon na si National Artist Virgilio Almario noong Enero 2020.

Sinabi ni Casanova na ang pagbabalik ng gamit na "P" sa Pilipinas ay napagkasunduan sa ginawang pagpupulong ng mga opisyal ng komisyon.

Bukod sa pangalan ng bansa, "P" na Pilipino ang dapat na baybay sa pagtukoy sa mamamayan at kultura ng Pilipinas.

Samantala, puwede namang gamitin ang "F," sa Filipino na tumutukoy sa lengguwahe o wika ng bansa.

Nilinaw din ng opisyal na maaaring gamitin ang "F" sa Filipino na pagtukoy sa mamamayan at lengguwahe kung isusulat ito sa wikang Ingles.  

 


Sinipi ni Casanova ang bahagi ng nakasaad sa Artikulo 16 ng Saligang Batas na nagsasabing: "Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino."

Binanggit din niya ang panimula o preambulo sa Saligang Batas na binanggit ang "sambayang Pilipino," na "P" bilang pagtawag sa mga mamamayan.

Ipinaliwanag noon ni Almario, na hindi niya binago, bagkos ay ibinalik lang niya ang orihinal na pangalan ng bansa na Filipinas na tinawag na "Las Islas Filipinas" ng mga Kastila noong ika-14 siglo.

Ang "Pilipinas" umano ay ibinatay sa lumang alpabeto ng bansa, ang Abakada, na inalis sa sistema noong 1987.

Ang Filipinas ay nakabatay umano sa makabagong alpabeto ng Filipino na binubuo ng 28 titik. --FRJ, GMA News