Kung minsan, ang mga tradisyon at pamahiin ay nakasisira na sa ating pananampalataya sa Panginoon (Mateo 12:1-8).

Kilala ang mga Pilipino sa pagiging "mapamahiin" o pagsunod sa mga sinaunang paniniwala kahit wala naman talagang batayan.

May kakilala ka rin ba na hapon na nang magising ng Biyernes Santo pero hindi na maliligo dahil sa paniniwala na "bawal" nang maligo kapag "patay" na raw si Hesus? At titiisin niya ang amoy niya nang magdamag kahit hindi na kaiga-igaya.

Unang-una, isang beses lang at ilang oras lang "namatay" si Hesus nang akuin Niya ating mga kasalanan at nabuhay Siyang muli. Kaya hindi taun-taon ay namamatay ang ating Panginoon.

Kung nais natin alalahanin ang sandaling pagpanaw Niya, ito ay sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at pagmuni-muni sa ating sarili upang maging mabuting tao, at hindi sa paraan ng hindi paliligo.

Kaya kung ating pagninilayan, mapapaisip ka kung ito bang mga pamahiin na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno ay sumasang-ayon pa ba sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano?

Mababasa natin sa Mabuting Balita na mula sa Aklat ni San Mateo (Mateo 12:1-8), na maging noong panahon ng ating Panginoong HesuKristo, ang mga Judio ay sumusunod din sa mga tradisyong minana nila sa kanilang mga ninuno. (Mateo 12:2)

Subalit binigyang diin ni Hesus sa mga Pariseo at Tagapagturo ng Kautusan [batay sa sulat ni San Marcos (7:1-8)], na binabalewala ng mga taong ito ang Kautusan ng Diyos at ang sinusunod nila ay ang tradisyon ng mga tao. (Marcos 7:8)

Kaya naman tanungin din natin ang ating mga sarili kung ang pagsunod natin sa mga tradisyon at pamahiin ay sumasang-ayon pa ba sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano.

May mga taong naniniwala sa Feng-Shui at panghuhula, pero kung susuriin, hindi itinuturo ng Bibliya, pero may mga naniniwala sa mga bagay na labas sa katuruan at aral ng Simbahan.

Pero hindi naman nangangahulugan na layunin ng ating Ebanghelyo na sirain ang tradisyon, paniniwala at pamahiin ng ibang sekta at relihiyon. Bagkos, inaanyayahan lamang tayo ng ating Pagbasa na suriin natin ang ating paniniwala sa mga ganitong bagay.

Ito ba ay nakatutulong sa atin upang lumago at yumabong ang ating pananampalataya kay HesuKristo, o nakasisira?

Kung ang bagay na ating pinaniniwalaan ay hindi naman nakakapagpatibay ng ating pananalig sa Diyos, bagkos ay pinahihina pa ang ating pananampalataya, bakit pa natin ito itutuloy?

Hindi masamang sumunod sa mga tradisyon at paniniwala kung sa paniwala natin ay nakakatulong ito sa ating buhay at upang maging isang mabuting tao. Subalit huwag sana nating kalilimutan na higit na mahalaga pa rin ang ating Panginoong Diyos kumpara sa iba pang mga paniniwala.

Pinapaalalahanan tayo ni Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo na habag ang Kaniyang nais at hindi handog. (Mateo 12:7).

Manalangin Tayo:  Panginoon, pagtibayin mo po sana ang aming pananampalata.Huwag po sana kaming masyadong yumakap sa mga tradisyon at pamahiin, sapagkat ang pinakamahalaga sa lahat ay ang aming matibay na pananalig sa Iyo. AMEN.

--FRJ, GMA News