Sa kabila ng kanilang pagiging matalino, maliksi at galing sa pagbabalat-kayo, hindi pa rin nakakaligtas ang mga pugita sa mga taong nanghuhuli sa kanila.
Sa programang "Born To Be Wild," ipinakita ang isang sistema o paraan ng ilang mangingisda upang manghuli ng pugita sa Batangas.
Gumagamit ang mga mangingisda ng "dummy" na pugita upang akitin ang mga tunay na pugita na lumabas mula sa pinagtataguan nilang mga batuhan o corals.
Kahanga-hanga ang ipinakikitang talino at husay ng mga pugita na gayahin ang kulay sa kanilang kapaligiran upang hindi sila makita o kung nais nilang magpapansin.
Gayunman, sinasabing patuloy ang kawalan ng datos tungkol sa dami ng nahuhuling mga pugita kada taon.
Bukod sa problema sa pagsubaybay sa dami ng mga nahuhuling pugita, wala ring malinaw na patakaran tungkol sa sukat ng pugita na puwede lang na hulihin.
Hindi katulad sa sistemang ipinapairal sa paghuli sa mga isda.
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, bumuo na raw ng grupo na tututok sa pagmonitor ng octopus fishery sa bansa.
Sa San Juan, Batangas, ramdam na raw ang pagkaunti sa nahuhuling mga pugita dahil sa dumadami na rin ang namumugita sa lugar.
Tunghayan sa video ng "Born To Be WIld" ang sistema ng pamumugita sa San Juan at ano ang mga kailangan gawin para maprotektahan ang naturang uri ng yaman-dagat ng bansa. Panoorin.
--FRJ, GMA News