Ipinaliwanag ng resident internist ng programang "Pinoy MD" na si Dr. Oyie Balburias ang posibleng dahilan ng pagkakaroon ng dugo sa ihi.
Ayon kay Doc. Oyie, maaaring senyales ng impeksiyon ang pagkakaroon ng dugo sa ihi.
Pero sa mga babae, dapat din munang suriin ang ihi dahil baka nagkakaroon lamang ng kontaminasyon lalo na kapag panahon ng "buwanang dalaw" o regla.
Sa ganitong pagkakataon, sinabi ni Doc. Oyie na baka nahahaluan lang ng dugo mula sa buwanang dalaw ang ihi.
Pero ang isa umano sa karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng dugo sa ihi ay ang problema sa kalusugan na "bato sa bato" o kidney stone.
Nangyayari ito lalo na kung may kalakihan ang bato at gumagasgas sa ureter na nagdudulot ng pagdurugo.
Alamin ang iba pang paliwanag ni Doc. Oyie sa iba pang karamdaman na itinanong ng mga sumusubaybay sa programa. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mataas na uric acid, asthma, at kailan delikado ang nararanasang sakit ng ulo. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News