May karapatan bang ipagkait o ipatubos ng kaibigan ang isang bata na siya ang nagpalaki sakaling bumalik ang ina ng bata at kunin na ang kaniyang anak?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," idinulog ng isang ginang ang kaniyang sitwasyon dahil ayaw umanong ibigay sa kaniya ng kaniyang kaibigan ang kaniyang anak at ipinatutubos ito ng malaking halaga.
Bagaman hindi binanggit ng ginang kung papaano napunta sa kaniyang kaibigan ang pangangalaga sa bata, inisip na lamang ng host na si Oscar Oida, na tulad sa mga pelikula ay umalis ang ina at ipinagkatiwala sa kaibigan ang anak at siya ang nagpalaki.
Ayon kay Atty. Mario Maderazo ng IDEALS Inc., kahit pa ang kaibigan ang nagpalaki sa bata ay wala pa rin itong basehan para alisan niya ng karapatan ang ina sa anak.
Paliwanag ng abogado, ang mga magulang ang may parental authority sa bata. Maliban na lamang kung may inilabas na utos ang korte na nag-aalis ng karapatan sa ina o ama sa kostudiya ng bata.
Pero kung walang utos ang korte, mananatili umano ang karapatan ng ina sa anak kahit pa inalagaan ng kaibigan ang anak.
Alamin naman kung anong kaso ang maaaring kaharapin ng kaibigan kung hinihingan niya ng pera o ipinatutubos niya sa ina ang bata. Panoorin ang video ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News