Hindi tayo dapat matakot at maligalig dahil hindi tayo pababayaan ng Diyos (Marcos 4:35-41).

Minsan mahirap din ang kalagayan ng ating Panginoong Diyos. Sapagkat naaalala lamang natin Siya kapag ang buhay natin ay hinahagupit ng malalakas na unos, o nahaharap tayo sa mabibigat na problema.

Ngunit kung payapa naman ang ating pamumuhay at wala tayong mabigat na suliranin, walang naririnig ang Diyos mula sa atin. Kahit man lamang isang simpleng "hi o hello Jesus."

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 4:35-41), mababasa natin kung papaanong hinagupit ng malalaking alon ang bangkang sinasakyan ni Hesus kasama ang kaniyang mga Alagad habang sila ay naglalayag para tumawid ng lawa.

Habang naglalayag, sila ay inabot ng malakas na bagyo kung kaya't ang bangkang sinasakyan nina Hesus at mga Alagad Niya ay hinampas ng malalaking alon. Halos mapuno ng tubig ang kanilang bangka. (Marcos 4:37)

Sa ating paglalakbay dito sa ibabaw ng lupa, hindi naiiwasan na hagupitin din tayo paminsan-minsan ng mga problema; tulad ng isang bangka na hinahampas ng malalakas na alon.

Gayunpaman, dumating man ang malalaking problema sa ating buhay, gaya pa rin ng unos, ito ay lilipas din. 

Ngunit papaano natin haharapin ang mga darating na pagsubok sa ating buhay? Tayo ba ay nananatiling matatag o madali tayong maliligalig gaya ng mga Disipulo ni Kristo na kasama niya noon sa bangka na nag-alala sa kanilang kaligtasan nang hampasin na sila ng malalaking alon? (Marcos 4:38)

Sa kanilang labis na takot, ginising nila ang Panginoon na noo'y nagpapahinga. Ang akala ng mga Alagad ay tinutulugan lamang sila ni Hesus sa harap ng malakas na bagyong humagupit sa kanila.

Minsan ay nagiging katulad din tayo ng mga Alagad. Madali tayong pinanghihinaan ng loob at naliligalig kapag tayo ay nahaharap sa mabigat na pagsubok sa ating buhay.

Inaakala rin natin na natutulog ang Diyos at pinapabayaan Niya tayo. Subalit kailanman ay hindi natutulog ang Diyos, sa halip, ang pananalig natin sa Kaniya ang pinapatulog natin.

Hinahayaan natin na kainin ng takot ang ating pananampalataya sa Diyos. Kaya kapag dumarating ang mga pagsubok sa ating buhay, kagaya ng mga Alagad, naliligalig din tayo at natataranta. Tinatawag ang Panginoon sa pagsasabing: "Panginoon, balewala po ba sa Inyo kung mapahamak ako?" (Marcos 4:38)

Ang ating mga takot ay palatandaan lamang na mahina ang ating pananampalataya sa Panginoon.  Alalahanin natin na hindi kailanman ninais ng Diyos na tayo ay mapahamak. Kaya hindi tayo dapat mag-alala na pababayaan tayo ng Panginoon sa harap ng malakas na bagyo sa ating buhay.

Nakasaad sa Salmo 46, "Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.  Siya?y laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan."

Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na kailangan natin magpakatatag sa harap ng ating mga suliranin. Sapagkat hindi tayo pababayaan ng ating Panginoon na mapahamak ang sinoman sa atin dahil mahal tayo ng Diyos.

Manalangin Tayo:  Panginoon. Bigyan Mo po sana kami ng katatagan sa harap ng mga pagsubok sa aming buhay upang huwag kaming maligalig. Sa halip ay manatiling matatag ang aming pananampalataya sa Iyo. AMEN.

--FRJ, GMA News