Mas dinidinig ng Diyos ang mga panalangin na may pagpapakumbaba (Mateo 6:7-15).
Kapag sa tuwing tayo ay mananalangin sa ating Panginoong Diyos, napakahalaga ang pagpapakita natin ng ating kababaan-loob.
May iba kasi na sa halip na humingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan ay mistula pa niyang binibigyan-katwiran ang pagkakamali habang nakikipag-usap sa Diyos.
Sa Mabuting Balita (Mateo 6:7-15) itinuturo sa atin ng Pagbasa ang tamang pamamaraan ng pananalangin natin sa Panginoon.
Sinasabi ng Ebanghelyo na huwag tayong gagamit ng maraming salitang wala naman kabuluhan gaya ng ginagawa ng mga Pagano o Hentil.
Sapagkat bago pa lamang natin ibuka ang ating bibig upang manalangin sa Diyos ay alam na niya ang nilalaman ng ating puso at isip. Kaya wala tayong maililihim o maitatago sa ating Panginoon.
Ang napaka-halagang punto ng Pagbasa na kailangan natin pagnilayan ay ang pamamaraan ng pagdarasal natin na nagpapakita ng ating kababaang-loob sa harapan ng ating Panginoon. (Mateo 6:9-13)
1. Ang pananalangin natin na kumikilala sa kadakilaan ng ating Diyos sa pamamagitan ng pagsamba at pagpuri sa Kaniyang dakilang pangalan.
2. Ang maging halimbawa tayo sa ating kapuwa upang maramdaman nila sa pamamagitan natin ang presensiya ng Diyos. Ang panalangin natin ay ating isinasabuhay.
3. Sa ating pananalangin kailangan natin pagsikapan na maisabuhay ang mga Salita at aral ng ating Panginoong Diyos. Hinihiling natin na makapamuhay tayo ng naaayon sa kalooban ng Diyos.
4. Ang pinaka-mahalaga sa lahat, ito ay ang paghingi natin ng kapatawan sa Panginoong Diyos para sa lahat ng ating mga naging pagkakasala maliit man o malaki.
Kung tayo ay humihingi ng kapatawaran sa Diyos. Mahalaga din na mapatawad din natin ang mga taong nakagawa ng kamalian sa atin. (Mateo 6:12)
Sapagkat papaano tayo mapapatawad ng ating Panginoong Diyos kung hindi natin kayang patarin ang mga nagkasala sa atin.
Isama rin natin sa panalangin ang ating mga namayapa natin na mga mahal natin sa buhay, at ang mga nakasalamuha natin sa ating paglalakbay sa mundong ibabaw.
At kung hihingi ng biyaya, magpasalamat din tayo sa mga biyayang una na niyang ibinigay sa atin. Tandaan na ang bawat dilat ng ating mga mata sa bawat araw matapos matulog ay isa nang napakalaking biyaya.
Kinalulugdan ng Panginoong Diyos kung sa ating pananalangin sa Kaniya ay inaako natin ang ating mga kahinaan at pagkakamali at kakayahang magpatawad sa iba.
Wala rin masama kung bibigkasin natin sa ating panalangin ang Ama Namin.
Manalangin Tayo: Ama namin sambahin nawa ang Iyong Pangalan. Patawarin Mo po kami sa aming mga sala at nawa'y matutunan din namin ang magpatawad sa aming kapuwa na nagkasala sa amin. AMEN.
--FRJ, GMA News