Ipinanganak na sarado ang mga mata ng isang-taong-gulang na si Jhon Dave, na mula sa Camiguin. Pero may pag-asa pa kaya siyang makakita?
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, ipinakilala ang batang si Jhon Dave na sa kabila ng kapansanan ay nananatiling masaya at malikot.
Ayon sa ama ng bata na si Junmark, pangarap nilang mag-asawa na magkaroon ng anak na lalaki kaya laking tuwa nila nang dumating si Jhon Dave.
Pero napalitan ito ng lungkot nang makita nilang walang mga mata ang bata nang isilang.
“Noong una kong pagkakita sa kanya, umiyak ako. Parang ang dibdib ko naninikip. Kapag nakaharap ako sa kaniya, tumutulo ang aking luha. Dahil binigay ng Panginoon na ganyan siya eh ’di tanggapin kung ano siya dahil galling ’yan sa ’yo. Mamahalin mo siya habambuhay,” ani Junmark.
Dahil walang paningin, hindi maiwasan na bumangga sa pinto o dingding si Jhon Dave, ayon sa ina ng bata na si Adelfa.
Hinihinala rin ng mag-asawa na sa ilong lumalabas ang luha ni Jhon Dave dahil sarado ang talukap ng kaniyang mga mata.
Napapansin din umano ng mag-asawa na tila nasisilaw si Jhon Dave kapag natatamaan ng liwanag ang kaniyang mukha.
Sa tulong ng "KMJS" team, ipinasuri ng mag-asawa sa duktor si Jhon Dave.
Ayon sa pediatric ophthalmologist na si Dr. Cielo Roxas, ang nangyari sa mga mata ni Jhon Dave ay "cryptophthalmos." Isa itong kondisyon na hindi na-developed nang husto ang talukap ng mga mata habang nasa sinapupunan ng ina.
Sinabi ng duktor na mayroon mga kaso na binubuksan ang talukap sakaling malaman na mayroon itong mga mata.
“Ang gusto po natin malaman kung mayroon ba siyang eyeball. Kung mayroon at nasisilawan siya, ‘yun po ‘yung isang possibility na baka may option tayo na i-open ‘yung eyelids,” ani Roxas.
Ipinayo ng duktor na dapat isailalim si Jhon Dave sa eye ultrasound at CT scan upang makita ang mga mata niya sa likod ng nakasarang talukap, at kung puwede siyang operahan.
Handa naman si Junmark na ibigay ang kaniyang mga mata sa anak kung ito ang paraan para makakita si Jhon Dave.
“Papayag ako na kung maoperahan siya ibibigay ko ang mata ko sa kaniya para makakita siya,” anang ama.
Tunghayan ang buong kuwento ng pamilya ni Jhon Dave sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News