Tunay ang ating pag-ibig sa Diyos kung iibigin din natin ang ating kapuwa (Mateo 5:20-26).

Hindi matatawag na kompleto ang isang bagay kung may bahagi nito ang nawawala kahit gaano pa man kaliit.

Ganito rin ang pag-ibig, hindi maaaring tawaging tunay na pag-ibig ang ating nararamdaman para sa Panginoong Diyos kung hindi naman natin kayang mahalin ang ating kapuwa.

Sa ating Mabuting Balita (Mateo 5:20-26), mababasa natin na tungkol sa pag-aalay ng handog sa dambana para sa Diyos, at nararamdamang sama ng loob sa atin ang ating kapatid.

Sinasabi ng Ebanghelyo na iwan muna natin ang ating handog sa harap ng dambana at makipagkasundo sa ating kapatid. (Mateo 5:24-24)

Ang pag-aalay ng ating handog sa dambana ng Panginoong Diyos ay tanda ng ating pag-ibig para sa Kaniya.

Ngunit papaano natin masasabing tunay ngang iniibig natin ang Diyos kung hindi natin kayang mahalin ang ating kapuwa? Paano rin natin mapatutunayang iniibig nga natin ang Diyos kung sa sulok ng ating puso ay namumuhi tayo sa ating kapatid?

Sapagkat malinaw na nakasaad sa Unang Juan (1 Juan 4:20) na ang nagsasabing iniibig niya ang Diyos subalit napopoot naman sa kaniyang kapatid ay isang sinungaling.

Kung ang kapatid na kaniyang nakikita ay hindi niya magawang mahalin, papaano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?

Ang pag-ibig na iniuukol sa atin ng ating Panginoon ay kumpleto, walang labis at walang kulang.

Ang ibig sabihin, iniibig Niya ang bawat isa sa atin nang walang pagtatangi, walang diskriminasyon at walang paboritismo. Kahit na ang pinaka-talamak na magnanakaw, kriminal at tampalasan ay iniibig pa rin ng ating Diyos.

Kaya mayroon din tayong obligasyon at pananagutan bilang mga Anak ng Diyos na ibigin ang ating kapwa o kapatid. Kahit hindi natin sila kasundo, kinapopootan o kaya naman ay nakasamaan natin ng loob.

Ang ating pag-ibig sa Panginoong Diyos ay mapatutunayan lamang natin at magiging makatotohanan kung magagawa nating mahalin ang ating kapatid.

Ipinangaral mismo ni Hesus ang aral tungkol sa dalawang mahalagang utos. Ito ay ang pagmamahal sa Diyos at ang pagmamahal sa kapuwa. (Mateo 22:37-40)

Hindi natin maaaring paghiwalayin ang dalawang mahalagang utos na ito. Sapagkat ang pag-ibig sa Diyos ay repleksiyon ng pag-ibig sa ating kapuwa at ang pag-ibig sa ating kapuwa ay naglalarawan ng pag-ibig natin sa Panginoong Diyos.

Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na patunayan natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig natin sa ating kapuwa.

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, nawa'y maipakita din namin ang aming pag-ibig Sa'yo sa pamamagitan ng pag-ibig sa namin sa aming kapatid. AMEN.

--FRJ, GMA News