Sa edad na 16, certified milyonarya na ang isang Grade 10 student dahil sa kaniyang online selling business.
Sa "Unang Hirit," sinabing wais na binabalanse ni Irish Oloris ang kaniyang oras sa schoolworks at pagbebenta ng beauty products sa internet.
Dahil dito, nakapag-ipon na siya ng P1 million, at ipinambili ng sarili niyang property sa Zambales.
Gayunman, nagsusumikap pa rin si Irish na makapag-ipon para sa kaniyang pangkolehiyo.
"Isa sa quotes ko is 'Dream at a very young age' kasi wala namang limit 'yan sa lahat eh," sabi ni Irish.
"Mas maganda na po 'yung mag-start ka nang maliit at mag-dream ka po nang malaki, para may (preparation) na rin po sa future," dagdag ni Irish.
Bukod sa kumikitang kabuhayan, sinabi ni Irish na sinimulan niya ang kaniyang business para matulungang madagdagan ang confidence ng mga taong nawawalan ng pag-asa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nakuha niya ang inspirasyon mula sa kaniyang nanay na si Irene, na ipinakita sa kaniya ang pagnenegosyo sa murang edad.
"Kailangan magkaroon sila ng proper mindset in terms of business," sabi ni Irene.
"Siyempre at her age, 'yan 'yung tipong kinikilig-kilig muna sa mga crush, 'di ba? 'Dun muna sila mas nakaka-focus. Pero dahil nga sa nangyaring pandemic, nakita ko kasi 'yung mga kabataan ngayon na 'yung medyo anxiety, depression, so iniba ko yung focus niya at in-introduce ko sa kaniya 'yung business," dagdag ni Irene.
Tinuruan din ni Irene si Irish ng kahalagahan ng pagsusumikap, at ang pagtulong sa iba sa kabila ng kaniyang tagumpay.
"(Sana) huwag niyang kakalimutan kung saan siya nagsimula, at uunahin lagi si God at 'yung laging pagtulong sa kapwa, kasi money follows na lang eh," sabi ng ina ni Irish.
"Kapag ang goal niya is to help other people through her business, 'yung money, talagang susunod at susunod," dagdag ni Irene.--FRJ, GMA News