Sa "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang netizen na nakabili ng house and lot pero mahigit limang taon na ang nakalipas ay hindi pa rin naibibigay sa kaniya ang titulo, at nabalitaan pa nilang nakasangla sa bangko ang property.
Dagdag ng netizen, deed of sale lamang na wala pang notaryo at mga resibo na pinagbabayaran ang hawak nilang katunayan, at sila rin ang nagbabayad sa amilyar.
Payo ni Atty. Luis Paredes, maaaring lumapit ang buyer sa Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) para magdemanda sa developer at sa bangko, hinggil sa specific performance, o refund.
Ganito rin ang kaso ng isang netizen na nakabili ng lupa sa Malolos, Bulacan, pero sa huli niyang payment, sinabihan siya na kailangan niyang mag-retention sa halagang P18,000 dahil wala pa ang titulo. Pero lumipas lamang ang 10 taon at hindi pa rin sa kanila naibibigay ang titulo.
Ayon kay Atty. Paredes, tingnan muna ng buyer kung ang property ay naka-mortgage sa bangko, dahil hindi ito maililipat maliban na lamang kung magdemanda siya sa HSAC.
Tunghayan at kapulutan ng aral ang iba pang reklamo ng netizens tungkol sa mga nabili nilang property sa video ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News