Ipinaliwanag ng isang eksperto ang kaibahan ng nakamamatay na heat stroke sa karaniwang heat exhaustion na nararanasan ngayong panahon ng tag-init.

Sa panayam sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ni Dr. Eric Tayag, pinuno ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), kabilang sa mga senyales ng heat exhaustion ay ang:

sakit ng ulo
pagsusuka
pagkahilo
matinding pagpapawis
mabilis na paghinga at pulso
pagkauhaw
at mataas na body temperature.

Pero kapag umabot na sa 40º Celsius ang init ng katawan at hindi na pinagpapawisan, senyales na umano ito ng mas malubhang sitwasyon ng heat stroke.

"Ang heat exhaustion ay malamang sa hindi, ay tumataas din ang temperatura, pero hindi naman umaabot sa 40º Celsius," ayon kay Tayag.

"Ang heat exhaustion sapagkat sobra yung pawis. Kaya sasakit yung ulo, magkakaroon ng pulikat, masusuka, yung pulso mabilis yung pintig, pati paghinga mabilis, at iba hinihimatay. Ito ay dahil nawawalan na ng tubig at electrolytes," paliwanag pa niya.

Dugtong ni Tayag: "Sa heat stroke wala ka nang pawis."

Ang tatlong pangunahing dapat bantayan na sintomas ng heat stroke ay ang pagkawala ng malay, at hindi magising, at nagkakaroon hallucination o pagkahibang.

"So kapag ito ang triad na ito po ang inyong inobserbahan heat stroke na yan at iyan ay isang medical emergency," paliwanag pa ng opisyal.

Ayon pa kay Tayag, maaaring ikamatay ng isang tao ang heat stroke.

"Kaya huwag ninyong babalewalain po 'yan, at kailangan po kaagad 'yan ng dagliang lunas," paalala niya.

Karaniwang nakararanasan ng umano ng heat stroke ang mga taong matagal na nakababad sa init ng araw.

Kamakailan lang, isang magsasaka na nagdidilig ng kaniyang mga pananim ang nawalan ng malay at namatay sa Malasiqui, Pangasinan.

Hinihinalang na-heat stroke ang biktima.

Samantala, panoorin sa video ang mga payo kung papaano mapapalamig ang katawan sa loob ng bahay at maging sa mga nasa labas upang makaiwas sa heat stroke.

— FRJ, GMA News