Sandaling panahon lamang ang ating buhay sa mundo. Gaya ni Hesus, lilisanin din natin ang mundong ito (Juan 16:16-20).
Lagi kong naaalala ang madalas sabihin ng aking yumaong ina: "Habang ako ay buhay pa, ipakita na ninyo ang inyong pagmamahal at malasakit. Dahil darating ang araw, hindi ko na iyan mararamdaman dahil wala na ako."
Ang ibig lamang nitong sabihin, huwag na nating ipagpabukas ang mga bagay na maaari nating gawin ngayon. Kung nais nating iparamdam sa ating mga mahal sa buhay ang ating malasakit at pag-ibig sa kanila, huwag mahiyang ipakita kahit sa mga simpleng paraan.
Ganito ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Juan 16:16-20) nang sabihin ng ating Panginoong HesuKristo na: "Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita. At pagkaraan ng kaunti pang panahon, ko'y inyong makikitang muli". (Juan 16:16)
Kaunting panahon na lamang at si Hesus ay babalik na sa tahanan ng ating Amang nasa Langit. Hindi na siya makakapiling ng kaniyang mga Alagad at sila na lamang ang magpapatuloy ng kaniyang naiwang misyon dito sa ibabaw ng lupa.
Batid ng mga Alagad na kapag tuluyan nang bumalik si Hesus sa kaniyang Ama ay mararamdaman nila ang pangungulila para sa kanilang Maestro at Panginoon.
Gayunpaman, lisanin man ni Kristo ang mundong ito, iiwanan naman Niya nang makakaagapay ang Kaniyang mga Disipulo sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang tulungan sila nito sa pagpapatuloy ng Ebanghelisasyon sa mga tao.
Ito ang tinatawag na "spiritual guidance." Sapagkat ang Espiritu Santo ang namamagitan sa atin at kay Hesus.
Mababasa natin sa Ebanghelyo na hindi maunawaan ng mga Alagad ang ibig ipakahulugan ni Hesus nang sabihin Niya sa kanila na: "Kaunting panahon na lamang at hindi na siya makikita at pagkatapos nang kaunti pang panahon ay makikita nila siyang muli". (Juan 16:17).
Ang pananatili natin dito sa ibabaw ng lupa ay pansamantala lamang. Hindi tayo magtatagal dito at darating din ang panahon na lilisanin din natin ang mundong ibabaw para bumalik sa ating Amang nasa Langit.
Makakapiling lamang natin ang ating Diyos Ama at ang Kaniyang Anak na si Hesus kung sisikapin nating sumunod sa kalooban ng ating Panginoon. Ito'y sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay o ang paggawa ng kabutihan.
Sa oras na magampanan natin ang ating mga obligasyon bilang mga Anak ng Diyos. Doon lamang natin maaaring makita sa Langit ang Diyos Ama at si HesuKristo.
Ipinapaalaala sa atin ng Pagbasa na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo. Kaya wala dapat tayong sayanging oras sa paggawa ng kabutihan sa ating kapuwa.
Sapagkat napakahalaga ang bawat araw na dumadaan sa ating buhay at hindi natin matitiyak kung kailan babawiin ng Panginoong Diyos ang ating hiniram na buhay.
Inaanyayahan tayo ng ating Panginoong Hesus na gawin nating kaaya-aya at makabuluhan ang ating buhay dito sa ibabaw ng mundo.
Subalit nakalulungkot isipin na batid ng ilan sa atin kung saan hahantong ang paggawa ng kasalanan at paggugol ng kanilang buong oras at panahon sa paggawa ng kamunduhan.
Nawa'y sa pamamagitan ng ating Pagbasa ay tuluyang mamulat ang kanilang isipan na ang mga taong gumagawa ng kabutihan ay sa Langit mapupunta. Habang ang mga gumagawa ng kabuktutan ay sa Impiyerno ang kahihinatnan.
Manalangin Tayo: Panginoon, nawa'y patnubayan Mo kami upang makagawa kami ng kabutihan sa aming kapuwa habang kami ay nabubuhay upang makapiling Ka namin sa Inyong Kaharian. AMEN.
--FRJ, GMA News