Ang pangaral ng ating mga magulang ay isang kayamanan (Kawikaan 1:8-9).
"Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong magulang. At huwag mong ipagwalang-bahala ang turo ng iyong Ina, sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo. Parang kuwintas na may dalang karangalan." (Kawikaan 1:8-9)
Minsan, hindi dapat laging isisi sa mga magulang kung bakit napapariwara at nasasangkot sa masalimuot na sitwasyon ang kanilang mga anak.
Sapagkat mayroong mga anak na lumilihis ng direksiyon at nagiging suwail sa kanilang mga magulang. Kaya hindi nakakapagtakang sila ay mapasama sa halip na mapabuti ang kanilang buhay.
Ngunit dahil sila nga ang tumatayong magulang, laging sa kanila ibinubunton ang sisi kapag ang isang anak ay napasama o napariwara ang buhay. Ito'y kahit pa mabubuting bagay ang kanilang ipinunla para sa kanilang anak upang maisa-ayos ang buhay nito.
Sa ating Pagbasa (Kawikaan 1:8-9), pinapaalalahanan ang lahat ng mga anak na pakinggan ang aral ng kanilang mga magulang para sila ay mapunta sa tamang direksiyon at huwag maligaw ng landas.
Katulad ng isang pastol at alaga nitong tupa. Kapag ang isang tupa ay humiwalay sa kaniyang pastol, siguradong siya ay maliligaw at posible pang siya ay mapahamak dahil maaaring siyang lapain ng mga asong-gubat.
Ganito ang kahihinatnan ng mga anak na ayaw makinig sa payo ng kaniyang magulang. Maraming kabataan ang maagang nagkakaanak, nalululong sa bawal na gamot at nasasangkot sa mga krimen kaya nakukulong. Sa huli, ang tatakbuhan nila ay ang kanilang mga magulang.
Ang payo ng ating mga magulang ay mistulang isang yamang ginto na kapag pinakinggan at sinunod. Makakamtam mo ang kabutihan na inihalintulad sa isang korona na nakaputong sa ating mga ulo at kuwintas na may dalang karangalan. (Kawikaan 1:9)
Kapag maganda ang ugali ng isang anak, hindi lang siya ang nakatatanggap ng papuri kung hindi maging ang kaniyang mga magulang. Ganoon din kapag gumawa ng hindi maganda ang anak, madadamay din ang kaniyang mga magulang dahil iisipin ng mga tao na hindi maganda ang pagpapalaki sa kaniyang anak.
Kaya naman walang magulang na mag-iisip at maghahangad ng hindi maganda sa kaniyang anak. Nakalulungkot nga lang dahil may mga kabataan na akala nila ay alam na nila ang lahat at hindi na nila kailangan sumunod sa kanilang magulang.
Ngunit ang pagsisisi ay nasa huli.
Alalahanin na lamang natin ang sinabi ni Hesus na, "Walang Alagad na nakahihigit sa kaniyang guro at walang aliping nakahihigit sa kaniyang Panginoon." (Mateo 10:24)
Hangga't tayo ay nasa ating mga magulang, hangga't tayo ay umaasa sa kanila, hindi natin maaaring higitan ang kanilang karunungan dahil walang anak na makahihigit sa karanasan sa buhay ng kaniyang magulang.
Ang ating mga magulang ay sinasabing pangalawa sa Diyos. Kaya ang kanilang salita at pangaral ay nakapangyarihan.
Katulad ng isang binhing inihahasik sa lupa ang pangaral ng mga magulang. Nasa anak na lamang kung papaano tatanggapin at pagyayamin ang mga binhing ito.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos. Nawa'y tulungan Mo po kaming sumunod sa aming mga magulang. Lalong-lalo na po sa Inyo upang huwag kaming maligaw ng landas at mahulog sa kasalanan. AMEN.
--FRJ, GMA News