Sa programang "Sumbungan ng Bayan," idinulog ng isang follower kung ano ang puwedeng gawin sa isa niyang kamag-anak na pinagbabantaan daw ang kaniyang buhay at lagi pa siyang ichini-chismis?
Ayon kay Atty. Zen Ferrer, kasong grave threat ang puwedeng isampa laban sa isang tao na nagbabanta sa buhay ng biktima.
Samantalang depende naman sa nilalaman ng chismis ang uri ng kaso na puwedeng isampa tulad ng unjust vexation.
"Kung araw-araw ka na lang tsini-chismis at kung anu-ano yung nadidinig mo sa iyong kapitbahay o kabarangay na nagiging reaksyon nila sa pagchismis nung [kamag-anak]...at naapektuhan na ang iyong pag-iisip at pang-araw araw na buhay, nababalisa na kayo dahil sa pinagsasabi ng ibang tao, puwede po ito ulit na unjust vexation [case]," paliwanag ni Ferrer.
"Kung ang chismis medyo grabe at naglalaman na may paninirang puri, puwede siyang ireklamo ng oral defamation o slander," dagdag pa niya.
Tunghayan sa video ang buong talakayan. --FRJ, GMA News