Dahil mahirap ang tubig sa kanilang lugar, napipilitan ang 75-anyos na babae sa Toledo, Cebu na umakyat sa bundok at dumaan sa gilid ng bangin para lang makakuha ng tatlong galon na tubig na kaniya ring bibitbitin pabalik ng bahay.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, napag-alaman na matandang dalaga na si lola Matilde at mag-isa na lang siyang naninirahan sa kaniyang kubo sa Sitio Calibasan saBrgy. Captain Claudio sa Toledo City.
Dahil walang mapagkukunan ng tubig sa kanilang lugar, napipilitan siyang umakyat ng bundok at dumaan sa gilid ng bangin para lang makakuha ng tatlong galon na tubig mula sa bukal.
Kahit inaabot ng mahigit isang oras ang kaniyang pag-akyat, tatlong galon na tubig lang ang kayang bitbitin ni Matilde. Inilalagay niya ito sa basket na itinatali niya sa balikat at ulo.
Ang tangi niyang kasama sa mapanganib na paglalakbay, ang mga asong sina Kabang at Diana.
“Palagi akong nadudulas diyan sa daanan. Humahawak talaga ako nang mahigpit dahil nadadala ako ng aking karga na gallon. Gumulong talaga ako diyan. Napagulong ako,” kuwento ni lola.
Dahil na rin sa kaniyang edad, hindi maiwasan na mahilo rin siya habang umaakyat ng bundok.
“Nakakapagod. Kailangan kumilos. Tiisin lang,” saad niya.
Napag-alaman na mayroon dalawang mapagkukunan ng tubig sa bukal sa itaas ng bundok. Pero kung minsan, napipilitan si lola Matinde na umakyat sa mas mataas na bukal kapag mahina ang daloy ng tubig sa ibaba.
Ngunit hindi natatapos sa pagkuha lang ng tubig ang sakripisyo ni Matinde dahil kailangan naman niyang bumaba ng bundok bitbit ang nasa 12 litro ng tubig.
At pag-uwi ng bahay, inuuna niyang bigyan ng tubig na maiinom ang kaniyang mga alagang baboy at aso, at isang galon na lang ang matitira para sa kaniya.
“Mahirap kasi kung marami kang ginagamitan, mabilis maubos. Pangkain sa baboy, iinumin, isasaing, doon din sa aso pinapanghugas. Tinitipid ang tubig. Hindi binubuhos. Imbes itatapon, ihuhugas pa,” paliwanag ng matanda.
Mayroon naman puwedeng mag-deliber ng tubig sa lugar sa halagang P35 bawat malaking galon, bagay na hindi kaya ng bulsa ng nag-iisang si lola Matinde.
Hindi lang si lola Matilde ang dumadaing sa kawalan ng maayos na mapagkukunan ng tubig sa kanilang lugar.
Ang mga tao roon, may kaniya-kaniyang paraan kung papaano maiipon ang tubig na ibubuhos ng ulan.
Ipinaalam ng "KMJS" team sa lokal na pamahalaan ang karaingan ng mga tao sa lugar.
May nakikita kayang solusyon ang mga kinauukulan kung papaano masusulusyonan ang problema at nang hindi na malagay sa panganib ang buhay ng mga tao--lalo na si lola Matilde? Panoorin.-– FRJ, GMA News