Buong pag-aakala ng 18-anyos na si Charene na mula sa Bohol, na ang pagkakahulog niya noon sa hagdan noong bata pa ang dahilan ng unti-unting pagbabago ng kalahating bahagi ng kaniyang mukha at nadesporma.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Charene na hindi naipasuri ang kaniyang kondisyon dahil sa kahirapan nila sa buhay.
Dahil sa nangyari sa kaniyang mukha, nabiktima siya ng bullying kaya natigil siya sa pag-aaral.
Kaya sa mga larawang ipino-post niya sa social media, ang kalahating mukha lang na maayos ang kaniyang ipinapakita.
Ang mga nakikipagkilala sa kaniya sa social media, bigla na rin lang nawawala kapag nakita na siya nang personal.
“Nasasaktan din ako dahil ganito ako tapos ang ibang mga kapatid ko — naiinggit ako dahil sila, nagugustuhan sila agad ako hindi," pag-amin niya.
"Yumuyuko rin ako minsan. Tumatahimik na lang ako para hindi na lumaki. Nu'ng bata pa ako, tinatakpan ko ang aking mukha kapag umaalis kami. Paglaki ko, hindi ko na ikinakahiya sa mga tao. Pinapakita ko na lang na ganito ako," saad pa ng dalaga.
Kahit hindi nakatapos ng pag-aaral, naging breadwinner ng pamilya si Charlene matapos pumanaw ang ama at na-stroke ang kaniyang ina.
Nagtatrabaho siya ngayon bilang kasambahay, pero pangarap pa rin niyang makapagtapos ng pag-aaral.
“Marami akong pangarap na makapagtrabaho ako para sa aking pamilya. Gusto ko magtrabaho sa abroad, maging nars. Marami pa akong pangarap,” sabi ni Charene.
Para malaman ang kondisyon at sanhi ng pagka-desporma ng kalahati ng muha ni Charene, ipinasuri siya sa isang dalubhasa.
Taliwas sa paniwala niya na ang pagkahulog niya sa hagdan ang dahilan ng pagkasira ng kaniyang mukha, ipinaliwanag ng plastic surgeon na si Dr. George Bryan Ferrer, na Progressive Hemifacial Atrophy o Romberg Disease, ang nangyari sa mukha ng dalaga.
Gayunman, sinabi ni Dr. Ferrer, na maaaring maiayos ang mukha ni Charlene sa pamamagitan reconstructive surgery sa sandaling tumigil na ang pagdesporma ng kaniyang mukha.
Maaaring abutin umano ng P500,000 hanggang P1,000,000 ang gagastusin sa operasyon.
Naiyak naman sa tuwa si Charene nang ipakita ang larawan na posibleng maging hitsura niya kapag naisagawa na ang operasyon.
Habang naghihintay na matupad ang pangarap niyang operasyon, nagpapasalamat si Charene sa pag-asa na kaniyang natanggap.
Sa mga nais tumulong kay Charlene, maaaring mag-deposit :
BPI
Sandra Mara V. Gabayan
Account No. 9319348333
— FRJ, GMA News