Hindi isang selebrasyon ang paggunita sa Araw ng Kagitingan kung hindi pag-alaala sa katapangan ng mga Filipinong nakipaglaban at nagbuwis ng buhay para sa bayan kahit pa "bumagsak" ang depensa noon ng bansa sa Corregidor sa Bataan noong Abril 9, 1942.
Nangyari ito noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig at nais sakupin ng bansang Japan ang mga kaalyado ng Amerika, kabilang ang Pilipinas.
Upang hindi kaagad mapasok ng mga sundalong Hapon ang Maynila, naglagay ng matinding depensa ang bansa sa Corregidor, at kasangga ng mga sundalong Filipino at mga sundalong Amerikano.
"Yung Maynila, bago mo 'yan madaanaan ng mga barko mo, ay dadaan muna 'yan sa Cavite at Bataan. Sa pagitan ng Cavite at Bataan, nandiyan yung tinatawag na Island of Corregidor," sabi ni Xiao Chua.
"Kaya basically ang gagawin mo, ipu-frustrate mo yung mga Hapones na hindi nila maganap yung kanilang pananakop nang todo-todo. Dahil hindi nga nila mailagay yung kanilang supplies sa Maynila," patuloy niya.
Sinabi naman ng isa pang historian na si Ricardo Jose, kahanga-hanga ang ginawang pagdepensa ng mga sundalo sa Corregidor dahil napatagal nila ang pagsakop ng mga Hapones sa bansa.
Bukod dito, marami sa mga sundalong nagtanggol sa Corregidor ay mga reservist lamang na karaniwang mga tao o manggagawa at hindi talaga mga propesyonal na mga sundalo.
"‘Yong mga sundalo natin were not professional soldiers but most of our soldiers were reservist. Mga ordinary people. Nag-training lang for six months... mga farmer, mga estudyante, mga office worker. So it was really something that a non-professional armies standing up against this veteran Japanese troops na galing China, na naka-experience na ng combat kung saan-saan. It was something remarkable," ayon kay Jose.
Patuloy pa niya, "Tayo, we stood our ground. We held out until April. All the others, March bagsak na rin ‘yong Indonesia, Netherlands, East Indies. Tayo ‘yong pinakahuling sumuko and we really held out much longer than anyone anticipated."
Pero noong Abril 9, 1942, sa pamamagitan ng Voice of Freedom Radio Broadcast, ibinalita ni 3rd Lieutenant Normando Ildefonso ang mensahe ni Captain Salvador Lopez na bumagsak na ang Bataan.
Sa pagsuko ng nasa 70,000 mga sundalong Pinoy at Amerikano, naganap ang tinatawag na Bataan Death March, kung saan nasa 20,000 sundalo ang namatay.
Pinaglakad sila ng mahigit 100 kilometro mula Mariveles, Bataan hanggang sa San Fernando, Pampanga. At saka isinakay at isiniksik sa bagon na papunta sa Camp O’Donnel sa Capas, Tarlac.
"We never celebrate the Fall of Bataan. We commemorate the Fall of Bataan. We remember. Sa dami ng namatay doon sa Bataan, it is a tragedy that we hope would never be repeated," ayon kay Jose. --FRJ, GMA News