Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO) nitong 2020, ang breast cancer ang pinakakaraniwang cancer sa buong mundo. Totoo ba ang paniniwala na magkaka-breast cancer ang isang babae kapag siya ay naaksidente o nabunggo ang dibdib?
Sa "Pinoy MD," sinabing isa sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng breast cancer ay kapag may nasasalat na tila bukol sa dibdib at nakararanas ng pananakit.
"Wala pong kahulugan ang aksidente o bunggo, lalo na kung wala silang kabukol-bukol o wala silang sintomas, nabunggo 'yung breast nila, biglang sumasakit," paglilinaw ni Dr. Norman San Agustin, specialized breast surgeon sa "Pinoy MD."
Dahil dito, mahalaga na magsagawa ng self-breast examination o ang pagsalat ng dibdib mula nipple papunta sa outer breast.
Makabubuti ring magpatingin agad sa doktor kung may nakakapang bukol para malaman kung ano ito.
Alamin sa "Pinoy MD" ang ilan sa posibleng paraan para magamot ang breast cancer, tulad ng brachytherapy.
--FRJ, GMA News