Huwag tayong matakot aminin ang sarili nating kapintasan (Mt. 7:2-5).
ANG tanging salita na nauunawaan lamang ng isang taong mayabang ay ang "Ako, Ako, at Ako" dahil masyado siyang bilib sa kaniyang sarili.
Sa Mabuting Balita (Mateo 7:2-5), itinuturo sa atin na huwag tayong humatol sa ating kapwa upang hindi rin tayo hatulan ng Diyos, ayon sa naging paghatol natin sa ibang tao.
Aminin man natin o hindi, madalas kasi natin tinitingnan ang pagkakamali ng ating kapwa na para bang tayo ang perpekto.
Dahil diyan, tayo ay nagiging "self righteous" at mayabang sapagkat ang nakikita lamang natin ay ang pagkakamali ng ibang tao, habang ayaw natin tingnan at punahin ang mga sarili nating kapintasan at pagkakamali.
Ito ang sinasabi sa Ebanghelyo na ang pinapansin natin ay ang puwing ng ating kapwa ngunit ang trosong nasa ating mata ay hindi natin pinupuna.
Ginamit sa Pagbasa ang salitang puwing na ang ibig ipakahulugan ay maliit na pagkakamali ng ating kapatid. Habang kakatwa naman nang gamitin ang salitang troso na patungkol sa mga mahilig pumuna o mga kritiko.
Marami ang ganiyang ngayon sa internet na kung tawagin ay mga "basher."
Nais ipaalala ng Mabuting Balita na ang taong pumupuna sa kaniyang kapatid ay mayroong mas malaking dungis sa kaniyang mukha kumpara sa pinupuna niya.
Minsan, ang ilang tao na sa kabila ng kanilang mga pagkakamali at pagkakasala ay masyado pa ring bilib sa kanilang sarili. Ang tingin kasi nila sa sarili nila ay malinis o walang bahid ng dungis.
Dahil natatakot silang aminin sa kanilang sarili na mas malala pa pala ang kanilang kapintasan kaysa sa mga taong pinupuna at pinipintasan nila.
Ayaw nilang tanggapin sa sarili ang kanilang pagkakamali o sila ay nasa tinatawag na "state of denial" dahil sa "pride" o pagmamataas.
Sapagkat ang pakiramdam nila ay masasaling ang kanilang pagkatao at "ego" kapag inamin nila ang kanilang kasalanan dahil ang tingin nga nila sa kanilang sarili ay matuwid.
Ngunit ang totoo, lahat tayo ay mga makasalanan. Kaya nga sa tuwing tayo ay mananalangin hinihingi natin sa Diyos ang Kaniyang awa at kapatawaran para sa lahat ng ating naging kasalanan at kahinaan.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, nawa'y matutunan namin ang magpakumbaba at huwag basta punahin ang dungis ng aming kapwa. Sa halip ay matutunan nawa namin na aminin ang sarili naming mga kasalanan. AMEN.
--FRJ, GMA News