Matinding pananakit ng tiyan hanggang likod at balikat, lagnat at paninilaw ng balat. Ilan lamang ito sa mga sintomas na nararanasan ng isang taong may gallstones. May kinalaman nga ba ito sa mga mamantikang pagkain?
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng gastroenterologist na si Dr. Edhel Tripon na hindi tiyak ang sanhi ng pagkakaroon ng gallstones.
Isa lamang sa maaaring dahilan nito ang pagkabuo ng cholesterol o calcium sa loob ng apdo o gallbladder, isang organ na naglalabas ng bile sa tuwing kumakain ang tao.
Ang bile ang siyang tumutulong sa pagtunaw at pag-asbsorb ng nutrients mula sa ating kinakain.
Mas may posibilidad na magkaroon ng gallstones ang mga may edad, mga obese, o mga taong mabilis na nagbawas ng timbang. Posible ring mamana ang gallstones.
Mas madalas din na nakukuha ng mga babae ang gallstones kaysa mga lalaki.
"Kapag kumain ka ng mga matataba, you're more likely to be obese, you're more likely to have dyslipidemia, higher blood cholesterol. Yes that will increase your gallstones in the long run," ayon kay Dr. Tripon.
Madalas din na aksidente lamang na nalalaman ng isang tao na meron na pala siyang gallstones dahil bihira itong nagpapakita ng sintomas.
Anu-ano nga ba ang kailangang gawin at dapat kainin para maiwasan ang gallstones? Panoorin ang buong talakayan sa video.
--FRJ, GMA News