Muli nang nakakangiti at nakakaramdam ang isang lalaking naaksidente noon at nasunog ang halos buo niyang katawan, matapos siyang sumailalim sa double transplant sa Amerika, ang kauna-unahan sa mundo.
Sa ulat ng GMA News Feed, ipinakita ang dating kalagayan ni Jo DiMeo, 22-anyos, matapos maaksidente noong Hulyo 2018.
Nasunog ang kaniyang mukha, tila nalusaw ang buo niyang katawan at hindi rin siya makakilos nang maayos matapos na sumabog ang kaniyang sasakyan.
Dahil sa insidente, nagtamo ang 80 porsyento ng katawan si DiMeo ng 3rd degree burns.
Apat na buwang nanatili si DiMeo sa burn unit at sumailalim sa 20 reconstructive surgeries, pero hindi na nito naibalik pa ang full function ng kaniyang mga kamay at mukha.
Ngunit nagbago ang kaniyang kalagayan matapos siyang sumailalim siya sa face and hands transplant sa NYU Langone Health, na kauna-unahang double transplant na isinagawa sa mundo.
Tumagal ang operasyon ng 23 oras.
Bagaman hindi na katulad ng dati ang kaniyang hitsura bago ang aksidente, pero ngayon ay nakakangiti na si DiMeo, naibubuka ang kaniyang bibig, at naigagalaw ang mga kamay.
"My sensation is coming back pretty fast, I would say. I could feel like my mid-knuckles, like so far. And past that, I don't feel anything. It's really pressure at that point and my face is coming back pretty quickly," sabi ni DiMeo.
Nagpapatuloy si DiMeo sa kaniyang therapy para muling maging normal ang galaw ng kaniyang katawan.
"You just kept rolling with punches and, you know, just never gave up, never lost hope," sabi ni DiMeo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News