Ang Salita ng Diyos ay tulad ng isang halaman na kailangang tumanim sa ating mga puso para yumabong at mamunga (Mk. 4:1-20)

ANG Salita ng Diyos ay katulad ng isang halaman. Ito ay kailangan nating alagaan para ito ay lumago sa ating puso at ang magiging bunga nito ay ang ating matuwid at maka-Diyos na pamumuhay.

Sa Mabuting Balita (Marcos 4:1-20) inilahad ni Hesus ang kuwento ng Talinghaga tungkol sa "maghahasik" o nagpapakalat ng binhi.

Inilarawan ni Hesus ang apat na uri ng pagtanggap ng mga tao sa Salita ng Diyos.

Ang binhi ay inihalintulad Niya sa Salita ng Diyos na inihahasik ng maghahasik sa mga tao at ang lupang tumatanggap sa mga binhing ito ay ating mga puso.

Una ay ang mga binhing nalaglag sa daanan. Ito ang mga taong nakinig sa Salita ng Diyos, subalit hindi nila sineryoso at hindi tumagos sa kanilang mga puso. Mistulang pumasok sa kaliwang tainga ang nadinig at lumabas sa kanan.

Kung kaya't nang dumating ang pambubuyo ng demonyo ay kaagad silang naakit sa tukso. Binalewala kasi nila ang mensahe ng Panginoon.

Pangalawa naman ay ang binhing nalaglag sa batuhan. Ito ang mga taong nakinig at tumanggap sa Mensahe ng Panginoon. Subalit dahil sa mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay at ang kawalan ng pag-asa, ang Salita ng Diyos ay nalanta dahil pinabayaan nila.

Hinayaan nilang mangibabaw sa kanila ang kapighatian kaya ang Salita ng Panginoon ay tuluyang nalanta sa kanilang mga puso.

Ang mga binhing nalaglag sa damuhang matinik ay ang mga taong masyadong nag-aalala tungkol sa mga bagay sa mundong ito.

Tinanggap nila ang mensahe ngunit mas nahuhumaling sila sa kayamanan sa lupa kaya ang Salita ng Diyos ay nawalan ng puwang sa kanilang mga puso at hindi nakapamunga.

Tandaan natin na ang mga materyal na bagay na masyado nating kinahuhumalingan kahit gaano pa tayo kayaman ay hindi natin madadala sa ating pupuntahan kapag tayo ay nawala na sa ibabaw ng mundo.

Ang mga binhi naman na nalaglag sa matabang lupa ay ang mga taong tumanggap sa Salita ng Diyos at ito'y iningatan at inalagaan sa kanilang mga puso.

Sila ang mga taong nakikinig sa Mabuting Balita at isinasabuhay ang Mensahe. Kaya naman nakikita sa kanilang pamumuhay ang espiritu ng ating Panginoon.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na ang Salita ng ating Panginoon ay hindi lamang natin dapat pinakikinggan kundi ito ay mahalagang maisabuhay din natin upang ito ay tumimo sa ating mga puso at makapamunga gaya ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa.

MANALANGIN TAYO: Mahal na Panginoon. Turuan Mo po kaming maisabuhay namin ang Iyong Salita upang ito ay tumimo sa aming mga puso at mamunga sa aming gaya ng halamang naitanim sa mabuting lupa.  AMEN.


--FRJ, GMA News