Sa programang "Pinoy MD," sinagot ni Dr. Raul "Dr. Q" Quillamor ang ilang katanungan ng netizen tungkol sa kanilang kalusugan, kabilang na ang tungkol sa patak-patak na menstruation kung senyales nga ba ito ng ibang sakit.
Unang dahilan nito ang primary ovarian failure, o nasa menopausal period na ang isang babae, ayon sa duktor.
Maaari din umanong dahilan ito ng pelvic inflammatory disease o impeksiyon sa matres, o polycystic ovary syndrome (PCOS) kung saan may hormonal imbalance ang babae.
Ang isa pa raw na posible dahilan ng patak-patak na mens ay ang diabetes o problema sa thyroid tulad ng goiter, o kaya may imbalance sa estrogen at progesterone ang babae.
Samantala, sinabi rin ni "Dr. Q" na kapag narating na ng isang babae ang edad 35 pataas, siya ay "high risk" na sa pagbubuntis, dahil marami nang problema sa kalusugan tulad ng altapresyon, diabetes, at hypercholesterolemia.
Kaya naman kailangan silang tutukan para maagapan agad ang kanilang mga komplikasyon.
Tunghayan sa video ang buong talakayan at iba pang isyung pagkalusugan tulad sa tanong kung maaari bang mauwi sa cancer ang luslos? Panoorin.
--FRJ, GMA News