Matatakot ka pa ba kapag sinabi sa'yo ni Jesus na: "Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot." (Mk. 6:45-52).
Hindi mawawala sa buhay ng isang tao ang mga dumarating na pagsubok. Sapagkat ang buhay natin dito sa ibabaw ng mundo ay parang paglalayag sa dagat na nakakasagupa ng malalakas na alon na naglalarawan sa mga samu't saring suliranin at pagsubok sa buhay.
Ganito rin ang naranasan ng mga Alagad ni Jesus sa Mabuting Balita (Marcos 6:45-52) nang maharap sila sa isang pagsubok habang sila ay naglalayag sa dagat dahil ang hangin ay salungat sa direksiyon na kanilang patutunguhan.
Minsan, kahit hindi natin inaasahan may mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Gustuhin man natin o hindi, ang paglalayag natin sa buhay na ito ay hindi maiiwasang may makasagupa tayo na mga problema tila malalakas na hangin at bagyo, na mistulang paglalarawan sa Mabuting Balita.
Subalit tandaan natin na dumating man ang mga pagsubok na ito, kasama natin sa ating bangka habang naglalayag sa buhay na ito ang ating Panginoong Hesu-Kristo. Handa siyang samahan tayo upang hindi tayo malunod at tangayin ng malalakas na alon ng problema.
Ngunit kailangan lamang nating magtiwala.
Marahil ay ilan sa atin ang masyadong nahihintatakutan, masyadong naliligalig at nawawala sa pokus kaya mas nangingibabaw sa kanila ang takot kapag dumating sa buhay ang mga pagsubok. Nakakalimutan nilang kasama nila ang Panginoon.
Tulad nang nangyari sa mga Apostoles na habang hinahampas ng malakas na alon ang kanilang bangka ay natakot pa sila lalo nang makita nila ang isang "tao" na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Hindi nila nakilala na si Jesus na pala iyon na sasaklolo sa kanila.
Kapag hinayaan din nating mangibabaw ang takot sa ating mga sarili gaya sa Pagbasa, hindi rin natin makikilala at makakalimutan natin ang presensiya ng Diyos.
Gayunman, hindi pa rin Niya tayo pinababayaan. Ipinaparamdam pa rin Niya ang Kaniyang presensiya sa atin. Dahil gaano man katindi ang nararamdaman nating takot dahil sa ating mga alalahanin, ang mga salitang magpapanatag sa ating kalooban ay ang mga kataga na sinambit mismo ng Panginoon: "Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito huwag kayong matakot."
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na mapapawi din ang mga malalakas na hangin kung ang iisipin natin na kasama natin palagi sa paglalakbay na ito sa ibabaw ng mundo si Jesus.
Ang kailangan lamang natin ay buong pusong magtiwala sa Diyos.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Jesus, pinapanalangin namin na nawa'y bigyan Mo po kami ng katatagan at lakas ng loob upang buong tapang na harapin namin ang mga unos ng buhay. Sa halip na kami ay panghinaan ng loob dahil alam naming kasama Ka namin sa aming paglalayag sa buhay na ito. AMEN.
--FRJ, GMA News