May nauuso ngayon sa online na iba't ibang uri ng "paluwagan" kung saan naglalagak ng pera bilang puhunan ang mga sumasali. Pero mag-ingat sa mga sasalihan dahil baka ang paluwagan na inyong napili, maging paiyakan.

Si Nanay Lolita, matagal na raw pinapangarap ang maipagawa ang kanilang bahay na sira-sira at maputik ang sahig.

Kaya ang anak niyang OFW na si Joy, sumali sa isang online paluwagan, na bagaman pera ang inihuhulog, ang kanilang sasahurin "construction material."

Nang araw na sumahod si Joy, dumating ang mga materyales na pampagawa sa bahay ng kaniyang ina at dito na natupad ang kaniyang pinapangarap na mapaganda ang kanilang bahay.

Pero kung buwenas si Joy, kabaligtaran naman ang nangyari kay Jenny, na nawalan ng pera matapos maghulog sa paluwagan.

Malaking sugal din para sa mga namamahala ng paluwagan ang pagtitiwala sa mga taong sumasali dahil baka hindi na maghulog ng pera ang miyembro sa sandaling makasahod na. 

Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang nangyari sa pera ni Jenny, at alamin ang mga sistema sa online paluwagan. Panoorin.


--FRJ, GMA News