Hindi naging hadlang ang kondisyong tuberculous meningitis para ipakita ng 30-anyos na artist ang kaniyang talento sa pagguhit. Ang kaniyang mga obra, nililikha niya gamit ang kaniyang mga paa.
Sa "Tunay Na Buhay," makikitang ilan lamang sa mga personalidad na iginuhit ni Mark Agcaoili ng Iligan City, Isabela ay mga larawan nina Manny Pacquiao, Pia Wurtzbach, Jessica Soho, Kuya Willie Revillame at maging ang host na si Pia Arcangel.
Normal na sanggol nang isilang si Mark, at pangalawa sa apat na magkakapatid. Honor student din siya mula Grade 1 hanggang 6, at nagtapos na valdeictorian.
Pero nang magkaroon ng tuberculous meningitis, hirap siyang magsalita at kinakailangan niya ang pag-alalay ng kaniyang ina sa pagligo at pagkain.
Pero hindi sumuko si Mark nang magpabili ng mga gamit at nagsimulang gumuhit gamit ang kaniyang mga paa.
Papaano nga ba nagsimula ang hilig niya sa pagguhit? Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "Tunay Na Buhay."
Samantala, mula nang magkaroon ng tuberculous meningitis ay unti-unti nang naapektuhan ang pagkilos at pagsasalita ni Mark.
Ayon sa neurosurgeon na si Dr. Guillermo Victorino Liabres, ang tuberculous meningitis ay isang uri ng impeksiyon sa meninges o istruktura na bumabalot sa utak at spinal cord na dulot ng Mycobacterium tuberculosis, na siya ring kaparehong mikrobyo sa tuberculosis.
High school si Mark nang makaramdam siya ng lagnat, at hindi ito nawala kahit na nagpaospital na sila. Inoperahan si Mark, pero mas lumala pa ang kaniyang kondisyon.
"'Hindi na namin kaya. Kung talagang hindi na mabuhay,' sabi nila, 'tanggapin na lang ninyo na hindi para sa inyo 'yung anak niyo,'" sabi raw ng mga doktor kay Teresita Agcaoili, nanay ni Mark, na nagpaalalang maaaring maging isip ng bata ang isip ng kanilang anak dahil sa kondisyon.
Pero dahil sa kaniyang pagguguhit, unti-unting bumalik ang isip ni Mark.
Naituloy din ni Mark ang kaniyang pag-aaral na ngayon ay Grade 7 na. Ang kaniyang paa naman ang ginagamit niya sa pagsusulat at pagsagot ng mga module.
Bukod dito, nagkaroon din ng lakas ng loob si Mark para ligawan ang kaniyang inspirasyon na si Jheniffer. Tunghayan pa ang kaniyang kuwento sa "Tunay Na Buhay."
--FRJ, GMA News