Dahil sa COVID-19 pandemic, nawalan ng raket o live show ang magpinsang puppeteer. Pero naitawid naman nila sa internet ang kanilang pagtatanghal at doon na nagsimulang kumita. At ang kanilang kita, ibinahagi nila sa iba pang naapektuhan ng pandemya.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi nina Danilo at John Rady Pineda na naisipan nilang magpalabas via online ng “Lockdown Puppet Show” upang patuloy na makapagtanghal at makapagpasaya.
Doon din nila ipinakilala ang kanilang ang mga puppet character na sina “Boy Banat” at “Mang Kano,.
Dahil nakaaaliw, dumami ang kanilang followers at may mga nagbibigay ng social media currency na puwedeng maging tunay na pera.
Mula sa kanilang kinikita, nagpasya ang dalawa na tumulong din sa iba sa pamamagitan ng pamimigay ng mga relief goods sa mga nangangailangan tulad ng mga jeepney driver na natigil sa pamamasada, na nakatira sa kalye at maging ang mga naglilinis sa daan.
“Kasi ngayong pandemic 'to, kailangan magpasaya, kailangan magtulungan. Priceless ’yung mga ngiti nila ... tumataba puso ko,” sabi ng dalawa sa pamamagitan ng kanilang puppet character.
Dahil sa kanilang mabuting ginagawa, mas dumami pa rin ang mga sumusubaybay sa kanila.
At ngayong darating na Pasko, nagpaplano rin silang mamigay ng mga laruan sa mga batang nasa lansangan. --FRJ, GMA News