Malaki ang nalugi at nawala sa kabuhayan ng ilang magsasaka nang hindi nila maibenta ang mga inaning tone-toneladang gulay at iba pang produkto nang ipatupad ang mga community quarantine dahil sa COVID-19. Paano nga ba nila kinakaya ang pagsubok na ito sa kanilang buhay at paano sila matutulungan?
Sa programang "Brigada," sinabi ni nanay Violy Alomia, 15 taon nang magsasaka, na labis na silang naapektuhan lalo ang mga senior citizen na magsasaka dahil hindi sila maaaring lumabas.
Napilitan din si Nanay Violy na ibenta ang kaniyang ani sa murang halaga dahil hindi naman nila ito maibenta sa mga pamilihan.
Isang grupo naman ng mga agriculture graduate ang binuo para tulungan ang mga magsasaka. Tinawag itong "For our Farmers PH - Bayanihan para sa Magsasaka."
Nakita raw kasi nila ang pinagdaraanang pagsubok ng mga magsasaka na hindi na maibenta ang mga produkto at ang iba ay itinatapon na lang ang mga gulay dahil nabubulok na.
"During the lockdown, nag-iisip nga kami, 'Paano tayo makakapag-give back sa mga farmer sa Pangasinan?' So due to the fact na taga-roon nga kami, kabisado namin 'yung ins and outs of the area, we started there," sabi ni Anjanette Tadena, Founder ng For our Farmers PH - Bayanihan para sa Magsasaka, na tubong Pangasinan din.
"Kasi naging goal ko rin before noong nag-aaral pa ako, since anak din ako ng magsasaka, sabi ko dapat someday makatulong din ako directly or indirectly. Si Bayanihan para sa Magsasaka is my avenue to help our farmers," ayon kay Jordan Calura, Head of Tarlac Operations ng grupo.
Bukod sa mga cash at in kind na donasyon, may mga nagpresenta rin sa grupo na mag-sponsor ng pag-aaral ng mga anak ng mga magsasaka. Nakipagtulungan din ang grupo sa ilang insurance company para magkaroon ng benepisyo ang mga magsasaka.
Tunghayan sa video na ito ng "Brigada" ang ginagawang pagtulong ng grupo para makaahon ang mga magsasaka sa pagsubok na dala ng COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News