Sa halip na sa bahay, sa hagdan na lang ng isang mall nag-o-online class ang dalawang magkapatid na babae sa North Caloocan, gamit ang nag-iisang cellphone. Habang nag-aaral, tinutulungan din nila ang kanilang ina na magbenta ng face mask at face shield.
Sa ulat ni Tina Panganiban Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi na napapansin ni Jenny Mae Sumbilla ang pag-ambon dahil nakasubsob siya sa kaniyang modules.
"Konti lang po. Wala po kasing mag-aalaga sa akin eh. Nauulanan tsaka naaarawan," sabi ng Grade 5 student nang tanungin kung nahihirapan siya sa kaniyang sitwasyon.
Pangarap daw ni Jenny Mae na maging guro at makatulong sa mga bata.
Sa hapon pa ang kaniyang online classes, at nag-iisang cellphone at earphones ng kaniyang ina ang kaniyang gamit.
Naghihiraman lang sila ng bunso niyang kapatid na si Alexis, na sa umaga naman ang online classes.
"Sobrang hirap po," sabi ni Alexis Valdeavilla, na pangarap na maging doktor o guro.
Kapag walang klase, sabay nagre-review sina Jenny Mae at Alexis habang binabantayan ng kanilang nanay.
Ayon sa nanay nilang si Nanette Valdeavilla, alam niyang hindi puwedeng lumabas ng bahay ang kaniyang mga anak base sa IATF protocols ngayong pandemya.
Ngunit wala raw siyang magawa kundi isama sila sa pagtitinda.
"Gusto ko po makapagtapos sila ng pag-aaral. Kung kaya ko igapang, igagapang ko," sabi ni Valdeavilla, na aminadong mabigat sa dibdib ang kalagayan ng mga anak.
Pero kahit bago pa man daw magkaroon ng pandemya, nakararanas na raw ng pambu-bully ang mga anak ni Valdeavilla dahil sa kanilang sitwasyon sa buhay.
"Naaawa nga ako kasi minsan inaasar sila na bakit nandito daw sila sa kalye. Eh wala naman akong magagawa kasi wala namang gagabay sa kanila, walang tutulong, ako lang. Minsan binu-bully din siya, kasi minsan pumapasok sa school walang baon, makapag-aral lang siya," ani Valdeavilla.
Wala namang kasama ang nanay na tutulong para sa mga anak.
"Nahihirapan ako ma'am kasi simula noong naghiwalay kami ng asawa ko lahat cargo ko. Naaawa din po ako kasi dito po sila nag-aaral," anang ina.
Kaya naman hiling nina Jenny Mae at Alexis ang tig-isang phone at headset para hindi na sila maghiraman, bagay na hindi kayang bilhin ng kanilang ina na kumikita lang ng P300 hanggang P500 kada araw, na pangkain lang ng anim niyang anak.--Jamil Santos/FRJ, GMA News