Delikado man, walang magawa ang mga taga-Barangay Ginulgan sa Pambujan, Northern Samar kung hindi gamitin ang sira-sirang hanging bridge upang makarating sa kanilang taniman at mabili ang mga kailangan nila sa araw-araw.
Mayroon naman bangka na puwedeng sakyan papunta sa kabilang bahagi ng ilog pero P30 ang bayad sa isang tao, na mabigat sa bulsa para sa mga residente ng barangay Ginulgan na maliit lang kinikita.
Mayroon din isa pang mas ligtas na ruta patungo sa kabilang bahagi ng tulay pero apat na oras naman ang kailangan nilang lakarin.
Kaya naman kahit peligroso, napipilitan ang mga tao na gamitin ang tulay.
Hindi biro ang panganib kapag nahulog sa ilog na bukod sa malalim ang tubig lalo na kapag malakas ang agos, mataas din ang babagsakan na tinatayang nasa 50 talampakan.
Taong 2012 nang gawin daw ang hanging bridge na gawa sa mga kable at bakal. Pero dahil sa tagal ng panahon at mga pag-ulan, kinalawang na ito hanggang sa masira.
May pag-asa pa kayang magawa ang tulay para hindi naman malagay sa panganib ang buhay ng mga tao? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News