Marahil ay nagtataka kayo kung bakit nakalantad ang puso ni Hesus sa imahe ng Sacred Heart. Ito ay pagpapakita Niya ng isang halimbawa tungkol sa pag-ibig na walang itinatangi.
Ang mensaheng nais iparating dito ni Hesus ay paalalahanan tayo na hindi natin dapat itago ang pag-ibig; hindi natin dapat sarilinin ang pag-ibig sapagkat ang pag-ibig ay dapat ipinapakita at dapat na ibinabahagi sa pamamagitan ng gawa at hindi sa salita lamang.
Ang pag-ibig ay hindi rin dapat maging makasarili, sa halip ito ay dapat ibinibigay natin sa ating kapwa--kaaway man o kakampi.
Dahil si Hesus mismo ay nagpakita ng isang halimbawang dapat natin tularan sapagkat hindi niya itinatago sa kaniyang imahe ang pag-ibig niya sa atin. Ito ay kaniyang ibinabahagi nang buong puso sa sinumang lumalapit sa kaniya.
Ipinapakita ng Panginoon na hindi niya ipinagdadamot ang kaniyang pag-ibig. Sa halip, ito ay kusang loob niyang ibinibigay kahit sa mga taong paulit-ulit nang nagkakasala kahit pa sa pinakamasamang tao.
Mababasa natin sa ating Ebanghelyo na sinabi ni Hesus na lumapit kayong mga nabibigatan at nahihirapan sa inyong mga pasanin. Inaasahan niya na ganito rin ang ating gagawin sa sinomang tao na lalapit sa atin upang humingi ng tulong.
Hindi natin sila dapat pagkaitan, sa halip ay bukas palad nating ibibigay ang tulong na kanilang hinihingi.
Bibigyan ba natin ng bato ang ating mahal sa buhay gaya halimbawa ng ating mga anak kung sila ay humihingi ng atensiyon at pagmamahal? Ito ba ay ipagkakait natin sa kanila?
Kapag sila ay nadapa at nakagawa ng pagkakamali, dapat bang talikuran na natin sila at hayaang mapariwara dahil lamang binigo nila tayo sanhi ng kanilang pagkakasala sa atin?
Lagi nating pagmasdan ang nakalantad na puso ni Hesus para maalala natin ang kaniyang wagas at dalisay na pag-ibig. Alalahanin natin na sa kabila ng ating pagiging makasalanan, hindi tayo pinagdamutan ng Diyos.
May naaalala ka bang pagkakataon na hindi niya ibinigay ang iyong kahilingan, at may naalala ka bang pagkakataon na pinagsaraduhan ka ng pinto nuong mga panahong na ikaw ay nagkamali at humihingi ng Kaniyang kapatawaran?
Ang presensiya ng Panginoong Diyos ay makikita at mararamdaman natin sa pamamagitan ng ibang tao. Ang mga dumarating na tulong at biyaya na galing sa ibang tao nang hindi natin inaasahan ay isang mensahe mula sa Panginoon na kinakasangkapan Niya upang maiparamdam Niya ang Kaniyang pag-ibig sa atin.
Kaya lagi nating tandaan, ang pagmamahal sa atin ng Panginoon.
Nawa'y maging mapayapa at mapagpala ang ating weekend.
Amen.
--FRJ, GMA News