Bagaman puwede na ang dine-in sa mga restaurant sa ilang lugar sa bansa, may pangamba pa rin ang mga may-ari kung paano sila makababawi dahil limitado pa rin naman ang kanilang kostumer. Ang isang restaurant owner sa Palawan, hiniling na mabigyan sana sila ng tax break o tax holiday hanggang hindi pa bumabalik sa normal ang sitwasyon dulot ng COVID-19 crisis.

Sa ngayon, pinapayagan na ang restaurant na mag-dine in sa limitadong kapasidad sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine at General Community Quarantine.

Sa ulat ni JM Encinas sa "Stand for Truth," sinabing kabilang ang Palawan sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19. Gayunman, dama pa rin sa lalawigan ang epekto ng pandemya.

"'Yung mga naging suggestions namin sa aming city, hopefully, mapag-aralan mabuti ng national government na mabigyan ng mga tax break, tax holiday, para sa mga restaurant owners kagaya namin, especially isa kami sa mag hardest hit, kasama ng tourism sector," sabi ni Christian Yayen.

Pero ayon kay Department of the Interior and Local Government undersecretary Jonathan Malaya, kailangang munang magkaroon sila ng pakikipag-ugnayan sa mga alkalde.

"Para naman sa mga business tax na binabayaran sa mga local government units tanong natin 'yung mga mayor kung willing sila. Kasi desisyon 'yan ng mga Sanggunian, bawat LGU can decide," paliwanag ni Malaya.

"For example, puwede sabihin ni Maynila, bilang tulong sa mga negosyante dito sa lungsod ng Maynila, I will ask the city council to amend the ordinance, 'yung kanilang  tax ordinance, para mabigyan ng tax break 'yung mga negosyante," dagdag niya.

Alamin sa video ang mga panuntunan sa dine in services sa mga restaurant at ano ang mga pag-iingat na dapat tandaan? Panoorin.


--FRJ, GMA News