Sa pagdiriwang ng 159th na kaarawan ni Dr. Jose Rizal, alamin ang sampung impormasyon tungkol sa pambansang bayani noong bata pa si Pepe tulad ng kaniyang hilig sa pag-aalaga ng hayop at paboritong almusal.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, tatlong taong gulang pa lamang si Rizal nang nagsimula na siyang mag-aral ng Abakada.
Gaya ng ibang bata, naging pasaway din daw ang ating pambansang bayani dahil mahilig din siyang mag-drawing ng mga nakatatawang larawan sa kaniyang mga libro o mag-doodle.
Samantala, ang paboritong laruan ni Rizal noong siya ay bata pa ay clay kung saan gumagawa siya ng mga hugis ng mga ibon at paro-paro.
Ang batang Rizal, isa ring pet lover din at kabayo raw ang kaniyang naging alaga na pinangalanang "Alipato." Mayroon din siyang malaking itim na aso na ang pangalan naman ay "Usman."
Mahilig din ang bayani sa mga kuwento ng kaniyang yaya Aquilina tungkol sa mga nuno sa punso at mga aswang. Madalas siyang tinatakot nito kapag hindi nauubos ang kaniyang pagkain.
Ang paboritong almusal daw ni Pepe ay hot chocolate at kanin na ang ulam ay tuyo.
Samantala, ang paboritong prutas naman ni Rizal ay lansones at mangga.
Kahit na isang magaling na estudyante, hindi rin naiwasan ng batang Rizal na mapalo ng ruler ng kaniyang guro.
Nagkaroon din umano ng pagkakataon na nahihiya si Rizal sa kaniyang hitsura dahil malaki ang sukat ng kaniyang ulo at maliit ang kaniyang height sa kaniyang edad.
Sa edad na 11, nakapasok si Pepe sa Ateneo de Manila, at naisulat na niya ang award-winning poetry at melodrama na "Junto al Pasig" o "Sa Tabi ng Pasig."-- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News