Sa murang edad, batid na ng siyam na taong gulang na si Kenneth ang sakripisyo ng kaniyang inang si Cherryl, na solong itinataguyod sila ng kaniyang kuya. At dahil nawalan ng trabaho ang kanilang ina bunga sa krisis na dulot ng COVID-19, naisipan ng bata ng tumulong sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga medalyang nakamit niya sa pag-aaral.
Ayon Cherryl, kinakapos na sila sa panggastos at halos wala na ring maibayad sa inuupahan nilang kuwarto dahil sa pagkawala ng kaniyang trabaho bilang lady guard nang magsimula ang COVID-19 pandemic.
Kaya naman naisipan ni Kenneth na ibenta ang kaniyang mga medalya kahit sa murang halaga lang na P20 ang bawat piraso.
“Pinaghirapan ko po ‘yun. Gusto ko ibenta kasi nahirapan na si Mama nang sobra, kasi kahit marami na kaming pinagdaanan na pagsubok, hindi niya kami iniwan,” anang bata.
Aminado si Cherryl na nalulungkot siya dahil umabot sila sa ganoong sitwasyon. Pero nagsisikap pa rin ang ginang na maitaguyod ang dalawa niyang anak kahit mag-isa lang siya.
May pagkakataon umano na hindi siya nakararating sa recognition day ni Kenneth dahil kailangan niyang magtrabaho. At kung minsan, sumagi na rin sa isipan ng anak na tumigil na lang sa pag-aaral dahil walang magulang na sumusundo sa kaniya.
Ngunit sa huli, naunawaan pa rin ni Kennth ang kanilang kalagayan kaya nagpursige pa rin siya sa pag-aaral. Pero ngayong online ang magiging klase, nangangamba si Cherryl na baka matigil sa pag-aaral ang dalawang bata dahil sa kawalan nila ng gamit at internet.
“Hindi naman araw-araw may load kami. Siyempre mas pagkain pa rin priority kaysa load, internet," sabi ni Cherryl.
Pero agad namang napawi ang mga alalahanin ni Cherryl dahil sa mga taong may mabuting kalooban na tumulong sa kanila.
Bukod sa mga pagkain, mayroon ding nagbigay ng laptop para sa pag-aaral ng mga bata at may sasagot na rin sa kaninang internet connection. Panoorin ang report na ito "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News