Noong unang panahon, namuhay ang ating mga ninuno sa pamamagitan ng barter trade o palitan ng mga produkto sa iba pang mga karatig-lugar o mga dayuhan. Pero ang naturang nakagawian, nauuso na naman ngayon sa iba't ibang lugar sa Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang kuwento ng nurse na si Shiulien Satrain na ipinang-barter ang tanim nilang talbos ng kamote, kalabasa at malunggay para sa computer, prepaid WiFi, web cam at iba pang computer accessories na gagamitin niya sa kaniyang online tutorial.
Naipagpalit ni Shiulien ang kanilang mga pananim sa pamamagitan ng Bacolod Barter Community na online na.
Ang mag-asawang Rendell at Luisa Zamora naman, ipinang-barter naman ang kanilang ref, oven toaster, gas range at wall fan para sa gatas, kamote at avocado at isang pack na diaper.
Si Chad naman, ipangte-trade ang kaniyang Porsche Carrera na kotse kapalit ng isang maliit na isla sa Surigao del Norte.
Tunghayan ang tradisyonal na "Tabuh-Tabuh" sa Panglima Sugala sa Tawi-Tawi na pakikipag-barter ng mga Bajau sa mga Tausug.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News