Sa isang iglap, nagbago ang buhay at napilitan ang magkapapatid na sina Marjun,14-anyos; Kathleen,9; Jonhvic, 5 at Jesna Rose, 1, na mamuhay nang sila-sila lamang dahil wala ang kanilang mga magulang. Ang kanilang ina, pumanaw dahil sa sakit at kinailangang i-quarantine naman ang kanilang ama.
Dahil sa pinaghihinalaan na may kinalaman sa COVID-19 ang pagpanaw ng kanilang ina, kaagad itong inilibing nang hindi man lang nasilayan ng mga bata.
Ang masaklap pa, tanging si Marjun lang ang nakakaalam na wala na ang kanilang ina. Si Marjun na rin at Kathleen ang nagtulungan para maalagaan ang kanilang dalawang mas batang kapatid.
Dahil sa naging sitwasyon ng kanilang ina, kinailangan namang i-quarantine ang kanilang ama ng dalawang linggo para na rin sa kaligtasan ng mga bata.
“Dahil galing ako sa ospital tapos marami daw positibo doon. Tapos, namatay pa ang aking asawa. Kaya pinag-quarantine ako ng 14 days para sa safety din ng aking mga anak daw," ayon sa kanilang ama.
Sa murang edad naman, alam na ni Marjun na kailangan niyang pasanin ang responsibilidad sa mga kapatid.
“Si Papa na ang mag-aalaga sa amin. Wala nang Mama. Hindi madali. Mayroon pa akong kapatid na maliit," saad niya.
Sabi pa niya, “Ma, promise ko babantayan ko ang aking mga kapatid… Ma, I love you.”
Tunghayan sa video ng ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang nakaaantig na kuwento ng buhay ng magkakapatid nang mawala ang kanilang mga magulang.
Panoorin din na muli nilang makakapiling ang kanilang ama matapos ang ilang linggong pagkaka-quarantine at ang resulta ng COVID-19 test sa namayapa nilang ina.
— FRJ, GMA News