Marami ang naantig sa viral video ng isang lalaki sa Davao City na umiiyak habang nagkukudkod ng napulot niyang niyog para may makain ang kaniyang pamilya. Kilalanin ang lalaki sa naturang video na si Alfredo, at alamin ang kaniyang kalagayan matapos madinig ng netizens ang kaniyang panawagang tulong.
Natunton ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kinaroroonan ni Alfredo mula sa Toril, Davao City. Matapos isailalim sa enhaced community quarantine ang kanilang lugar, hindi na raw siya nakapaghanap-buhay nang maayos para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Mahirap lang ang buhay ni Alfredo, na nagsikap na makapagtapos kahit high school. Para matustusan ang pagkain ng pamilya sa araw-araw, naglalako siya ng gulay hanggang sa ipatupad na nga ang ECQ.
Bagaman may nakuha naman daw silang ayuda sa barangay, hindi raw iyon nakasapat sa kanila dahil sa tagal ng ECQ. Ang kaunti niyang naitabing pera, nagastos na rin.
Hanggang sa humantong na nga sila sa sitwasyon na wala nang maisaing kaya nagtiis na lang sila ng kaniyang mga kapatid at magulang sa kinudkod na niyog at tubig.
"Walang magagawa kaysa kumalam ang sikmura sir," naiiyak niyang sabi.
Nang mag-viral ang kaniyang video, dumagsa ang tulong na natanggap ni Alfredo na labis niyang ipinagpapasalamat. At bilang ganti, ang labis na natanggap na tulong ay ibinahagi rin niya sa iba.
Tunghayan ang kuwento ng buhay ni Alfredo at alamin ang isa pang biyaya na kaniyang natanggap na makakamit niya sa sandaling matapos na krisis sa COVID-19. Panoorin.
--FRJ, GMA News