Habang umiiral ang enhanced community quarantine dahil sa banta ng COVID-19, patuloy pa rin sa trabaho ang ilang manggagawa tulad ng mga tagalinis sa mga ospital, mga basurero at iba pa. Narito ang alay na tula para sa kanila ni si "Rio Alma."

ODA SA KALINISAN
(Alang-alang sa mga janitor, basurero, atbpang kabisig)

Papurihan natin ngayon ang malinis
Na tahanan, pagawaan, at paligid!
Papurihan nating lalo ang naglinis
Sa marumi, di-maganda’t mapanganib!

Naghuhugas ka ng kamay, naliligo,
Ngunit sino’ng nagpupunas, naglalaba?
Itinápong kahit ano sa trabaho,
Sino’ng dapat magsipúlot sa basura?

Sa pabrika ng malangis at kalawang
Sino’ng dapat na magligpit pagkatápos?
Kung ang plastik ay nagtambak sa lansangan
Sino’ng kamay ang papála’t maghahakot?

Pagpugayan natin ngayon ang nagpawis
Pakilusin ang basáhan at ang walis!
Pagpugayan ang arawang nagsigasig
Upang mundong marumi na’y di magputik!

Ang bahay na puro agiw minumulto,
Upisinang puro ipis delikado,
Kahit saging sa bangketa aksidente,
Ang lungsod na puro karbon di pantao.

Kalinisa’y di sabon lang at alkohol,
Nasasamyo sa pasilyo’t palikuran;
Kalinisa’y di trapik layt at negosyo,
Nása kalye at palengkeng walang langaw.

Parangalan ang lahat ng anakpawis
At bisig na nagsusúlong sa daigdig!
Parangalan ang lahat ng tagalinis
At katulong upang salot ay malupig!

Rio Alma
5 Abril 2020

BASAHIN: National Artist na kilala rin sa binaliktad niyang apelyido

May tula ring inialay si Rio Alma sa mga tinaguriang mga bagong bayani ngayong panahon ng krisis dahil sa COVID-19.


 

Si Rio Alma o Virgilio Almario ay tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura.-- FRJ, GMA News