Ngayong lumalaganap pa ang banta ng coronavirus 2019 (COVID-19), mahalaga na mapalakas ang immune system sa pamamagitan ng pagkain nang tama. Anu-ano nga ba ang mga dapat at hindi dapat kainin para mapanatili ang pagiging malusog?
Sa espesyal na edisyon ng "Sumbungan ng Bayan," inilahad ni Deza Delica Tibayan, nutritionist, na mainam ang mga prutas at gulay dahil mayaman sila sa vitamins, minerals, at mayroon ding fiber content.
Mayaman sa Provitamin A ang mga dark green at deep-yellow vegetables. Mataas naman sa iron, calcium at Vitamin C ang dark green leafy vegetables gaya ng kangkong, malunggay at saluyot.
Dapat ding uminom ng tubig na 8-10 na baso araw-araw.
Hangga't maaari, iwasan ang mga instant o ready-to-eat food dahil maaaring magdulot ito ng UTI, problema sa puso at bato, at cancer.
Pero kung kakain ng instant noodles, haluan ito ng dahon ng malunggay, at carrot o cabbage naman kung pancit canton.
Puwede ring samahan ng patatas o kangkong ang mga de lata na ulam.
Panoorin ang buong talakayan sa naturang paksa sa video sa itaas.--FRJ, GMA News