Namumuti, nangangati at nagpapatsi-patsi ang balat hanggang sa kumalat na ito sa buong katawan. Ganito ang nararanasan ng mga taong may "vitiligo." Ano nga ba ang sakit na ito at may solusyon kaya para kondisyon na ito sa balat?
Sa programang "Pinoy MD," sinabing isang sakit sa balat ang vitiligo kung saan nasisira ang melanocytes o cell na nagbibigay ng kulay sa balat.
Ayon kay Dra. Grace Carole Beltran, dermatologist sa St. Luke's Medical Center, nagsisimula ang vitiligo sa pagkakaroon ng mas maputing kulay ng ilang bahagi ng balat na habang tumatagal, nagiging kakulay na ng bond paper.
Kung minsan, nangangati muna ang taong may vitiligo bago pumuti ang kaniyang balat. Hindi naman ito nakahahawa at wala ring pinipiling edad.
Kadalasan daw itong namamana, pero "trigger" din ng vitiligo ang stress, trauma, o sunburn, o autoimmune disorder kung minsan.
Tunghayan ang kuwento ng 66-anyos na may vitiligo na si Evangeline Serrano, na nagtinda raw noon sa kalsada ng mga inumin kaya lagi siyang nakabilad sa araw.
Alamin din ang iba't ibang paraan para malunasan ang vitiligo. Panoorin ang video. --Jamil Santos/FRJ, GMA News