Disyembre noong nakaraang taon nang mapaulat na isa na namang domestic helper na Pilipina ang nasawi sa kamay ng kaniyang mga amo sa Kuwait.
Ang 26-anyos na si Jeanelyn Villavende, pinangarap na makapag-aral ang bunsong kapatid, mapagawa ang kanilang bahay at matubos ang nakasanla nilang lupang sakahan.
Ngunit kulang ang sahod ni Jeanelyn na P2,500 bilang kasambahay sa Koronadal City kaya naisipan niyang mag-abroad.
Ngunit ang inaakala niyang paraan para matupad ang kaniyang pangarap, magiging bangungot din pala sa pagtatrabaho niya sa kaniyang amo sa Kuwait, dahil kalahati lang ang kaniyang sinasahod sa napagkasunduang 120 Kuwaiti Dinar o P20,000 kada buwan.
Magmula Oktubre, hindi na nakakausap pa si Jeanelyn ng kaniyang mga kamag-anak.
Disyembre nang dumating sa mga kamag-anak ni Jeanelyn ang malagim na balita mula sa Department of Foreign Affairs na patay na ang dalaga.
Balikan sa "Reporter's Notebook" ang kaso ni Jeanelyn, at kung dapat bang managot ang kaniyang agency. — Jamil Santos/DVM, GMA News