Kung maghapong nakatayo, palakad-lakad at gumagamit pa ng hindi kumportableng sapatos ang isang tao, may posibilidad na magkaroon siya ng "bunion" o bukol sa hinlalaki ng paa. Papaano nga ba ang malulunasan at maiiwasan?
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dra. Ai Gamboa, Foot and Ankle Orthopedic Specialist, na bunion ang tawag sa pananakit o namamaga na "bony prominence" sa medial o inner side ng paa.
Paliwanag pa ng duktora, 88 porsiyento ng may ganitong kondisyon ay "hereditary" o namamana.
Isa si Princess Catacutan, Logistics Supervisor sa isang warehouse, na may bunion. Nakuha niya ito sa walong oras na pagtatrabaho kung saan nagbibilang siya ng mga kagamitan habang nakatayo at nagsu-supervise pa ng kanilang mga tao.
Medyo masakit kay Princess na magsuot ng safety shoes dahil may bakal ito sa loob. At kapag sasamba naman siya, nagsusuot siya ng high heels.
Ang pagsusuot niya ng iba't ibang klase ng sapatos at madalas na palakad-lakad, nagresulta ng tila umbok malapit sa kaniyang big toe sa magkabilang paa na kung minsan kumikirot.
Surgery ang solusyon sa mga malalang kaso ng bunion, kung saan tinatabas ang umusling buto ng big toe, saka iri-realign para muling dumiretso.
Kung posibleng may bunion ang isang tao, gumamit ng toe spacer kapag nasa bahay para mapanatili ang tamang posisyon ng mga daliri sa paa.
Subukan din ang mga pencil pick up exercise o pagdampot ng mga lapis gamit ang daliri sa paa, para ma-stretch ang mga joint at buto sa paa. Higit sa lahat, magsuot ng kumportableng sapatos.
Panoorin ang video sa ginawang pagtalakay sa naturang problema sa paa.--FRJ, GMA News