Itinuturing nang basura at hindi mapakikinabangan, nananatili pa ring kailangan sa kabuhayan ng maraming mahirap na pamilyang Pilipino ang mga tira-tirang pagkain o pagpag.
Sa "Reporter's Notebook," itinampok ang buhay ng 61-anyos na si Lola Corazon Alcosada ng Tondo, Maynila.
Apat na taon na siyang naghahanap ng tira-tirang pagkain o pagpag mula sa iba't ibang fastfood restaurant para ipakain sa kaniyang mga apo, at ito na ang naging kabuhayan niya.
Ang mga hindi naman nakaing pagpag ng pamilya ni Lola Corazon, dadalhin ng kaniyang apo sa tindera ng lutong pagpag na si Anabel Lazaro.
Nandiri pa si Anabel noong una sa pagpag dahil may nakikita siyang may kasama pang tissue, pero nang matikman niya ito, nasarapan din siya sa tirang pagkain.
Ayon kay Anabel, hindi naman sila nagkakasakit at wala pang nagrereklamo sa pagtitinda niya ng pagpag.
Hindi rin nagdalawang isip ang ilang customer ni Anabel na bumili ng itinitinda niyang pagpag, na luto sa kaldereta, adobo o inasal.
Ngunit sa likod nito ang nakababahalang problema ng food waste sa Pilipinas, kung saan tone-toneladang gulay sa Benguet ang itinatapon matapos hindi makapasa sa quality control.
Lumabas sa datos ng FNRI noong 2015 na umabot sa 1,212 metric tons ng bigas ang nasayang, at 1,717 metric tons ng plate waste.
Panoorin ang naging pagtutok ni Maki Pulido sa "Sagip Pagkain" episode ng Reporter's Notebook. —Jamil Santos/JST, GMA News