Katulad sa maraming bagay, mayroon ding mga pamahiin ang mga Pinoy tungkol sa regla o menstruation. Tulad halimbawa na bawal daw maligo ang babaeng may regla dahil maaari niya itong ikabaliw o ikabaog. May nagsasabi rin na iwas-taghiyawat ang pagpapahid ng regla sa mukha. Ngunit gaano nga kaya katotoo ang mga ito? Alamin.

Sa programang "iJuander," sinabing ilan pa sa mga pamahiin tungkol sa kabuwanang dalaw ay kailangang tumalon ang babae mula sa ikatlong hakbang ng hagdan, o magbuhos siya ng tatlong tabo ng tubig para tumagal lamang ng tatlong araw ang regla.

Gayunman, pinabulaanan ng obestetrician-gynecologist na si Dr. Ruzabeth Cuya na nakababaliw at nakababaog ang pagligo tuwing may regla. Katunayan, maigi pa rin ang pagligo at proper hygiene para maiwasan ang vaginal infections.

Ayon pa kay Dr. Cuya, depende sa bawat babae ang itinatagal ng regla na madalas ay tatlo hanggang limang araw. Mas kaunti ang mga araw ng pagregla ng mga payat na babae, samantalang mas mahaba naman ang mga araw ng mas "healthy" na mga babae dahil mas marami silang hormones tulad ng body fats.

Hindi niya rin ipinayo na ipahid sa mukha o ipanghilamos ang regla dahil maaari pa itong makakapit ng bacteria at maging sanhi ng taghiyawat.

Sinabi rin umano na noong unang panahon, ikinahihiya ng mga ninuno ang pagkakaroon ng isang babae ng kabuwanang dalaw.

Mayroon pang ritwal na hinihiwalay sa marami ang babaeng nagkaroon ng regla. Kadalasan daw na ibinabalot ang babaeng may regla o tinatakpan, at pinipiringan na posibleng tumagal ng apat na araw hanggang mahigit isang buwan.

Paliwanag ni Dr. Nestor Castro, anthorolopogist sa U.P. Diliman, ang babae ay ibinubukod dahil sa konsepto na maari siyang maka-"pollute" sa iba.

Pero paglilinaw pa rin ni Dr. Ruzabeth, ang pagkakaroon ng regla ay hindi dapat ikinakahiya. Panoorin ang video tungkol sa mga pamahiin sa regla.--FRJ, GMA News