Dalawang uri ng sinaunang sasakyan ang nagbabalik upang makapag-ikot sa Intramuros, Maynila at magpapabalik din sa mga alaala ng nakaraan.

Sa programang "AHA!," makikita ang muling pagbiyahe ng tranvia, na isang Spanish transport system na tinatawag ding "tramway" o "trolley."

Dumating ito sa Pilipinas noong 1880s, na umaandar sa pamamagitan ng paghila ng kabayo. Pero kinalaunan,  kuryente na ang ginagamit para mapaandar ito sa riles.

Dating ginagamit na paraan ng transportasyon noon ang tranvia at umiikot mula Binondo patungong Intramuros, Malate, Malacañang Palace, Sampaloc, at Tondo.

Ngayon, isang makabagong tranvia ang makikita at maaaring masakyan sa Intramuros.

Masasakyan naman nang libre ang scooter, na puwedeng magamit sa loob ng dalawang oras.

Naimbento ang scooter o trolley noong 1920s na gawa lang sa kahoy at gulong ng roller skates.

Ang mga Pinoy, gumawa rin ng bersyon nito na gawa sa kahoy at bearing ang ginagamit na gulong. 

Panoorin sa video ang ginawang pamamasyal ng internet celebrity na si Dyosa Pocko sa Intramuros sakay ng tranvia at scooter. --Jamil Santos/FRJ, GMA News