Mula sa 300 entries na nagsumite ng kanilang mga akdang tula sa GMA Public Affairs kaugnay ng pagdariwang ng Buwan ng Wika, pito ang napiling katangi-tangi.
Hindi naman kami naghanap ng susunod na Florente o Juan Miguel Severo. Simple lang — ‘yong may sense, may sukat — simple pero rock.
Congratulations sa mga napili! At mabuhay ang Wikang Filipino!
Buwan
Ni Edrian E. Pantas
Minsan isang gabi aking napagmasdan
Nagniningning na tala sa malawak na kalangitan
Hindi maiwasang ako ay matulala
Sapagkat sa ‘king diwa ikaw ang nakikita.
Madalas mong wikaing ikaw ang aking liwanag
Sa magulo kong mundo at puno ng bagabag
Ngunit sa isang iglap ang pangako’y umandap
Ang pagsinta’t pag-irog sa iba mo nilagak.
Ngunit ganun pa man ang mga kaganapan
Ay masaya pa rin ang kasalukuyan
‘Di man agad nakita ang angking kariktan
Natakpan lang pala ng ulap ang maliwanag na buwan.
UKAY-UKAY
Ni Mark Anthony S. Salvador
Nasa ukay-ukay ang aking puso.
Nasa hindi binibisitang sulok,
pinapatanda ng mga alikabok.
May nauna nang
gumamit sa aking puso,
kaya roon siya nagtago.
Nais mo ba siyang makuha?
Magaan lang sa bulsa
ang kanyang halaga.
Sapat na sa kanya
ang tiyaga mong maghalukay
magpagpag,
ang hangad na sulsihan
ang kanyang mga sugat.
Buong sarili niyang iaalay
ang hindi
segunda manong pagmamahal.
Adobo
Ni Kislap Alitaptap
Bukas
Sabi ni Inay
Magluluto siya ng
Adobo
Yung may natustang bawang
Yung may dahon ng laurel
At pamintang buo
Yung malapot ang sarsa
Dahil sa pagkadurog ng
Atay, puso at batikulon ng
Manok
Yung ang karne ng
Baboy
Ay dahang-dahang pinalambot
Ng galit na apoy, at
Matiyagang pagmamahal
Yung nanunuot sa bawat
Hiwa ng karne ang
Sipa ng toyo,
Kagat ng suka
Kabig ng asin at
Tapik ng asukal
Walang tatalo sa pagkalinga ni
Inay
Sa pasalubong niyang halik
Pagkauwi mula sa planta
Sa nakahanda niyang aruga
Kahit katawa’y lanta
Sa mahigit otso-oras na paggawa
Bukas
Sabi ni Inay
Magluluto siya ng
Adobo
Sa kusina ng
Piketlayn.
Karinderya
Ni Jenver Marcaida
Sa isang madilim na sulok ng kalsada
Ako ay iyong makikita, mahinang sumisigaw
Suki! Suki! At tila may ibinebenta
Mapaos man ang lalamunan, ayos lang basta't kumita
Sa negosyo kong ito na waring kinasanayan
Diskarte at tiyaga ang tangi ko lang puhunan
Palaging nag-aabang sa mga nagdaraan
Inaasam na mayroong mabentahan
Magkano?
Palaging tanong ng mga kostumer
Na kapag namahalan ay makikipagtawaran
Tila eksena sa bangketa na bagsak-presyo
Huwag lang mabokya sa benta
Kahit papalugi ang negosyo
Pagsapit ng dilim, itong hanapbuhay ay nagsisimula
Nag-aayos ng malubha, bilang paghahanda
Hanap ng magandang pwesto para sa labanan
Sa mga gutom at naghahanap ng makakainan
Ilang minutong presyuhan, pagkatapos ay bakbakan
Anumang gusto ng kostumer ay hahayaan
Sa negosyong karinderya na kanilang kakainan
Lahat ay pwedeng tikman, basta ay babayaran
Sinasarapan ko at ibinibigay ang lahat upang kanilang balikan
Ang magdamag na pintuang bukas ng aking kainan
Mapuyat at mapagod man dahil sa hinahabol na kota,
Gagawin lang ang lahat magkaroon lang ng pera
Wala eh! Ganito na lang siguro ang buhay ko
Paulit-ulit tuwing gabi, ngunit iba iba ang nabebentahan
Kaya ko naman sigurong tumigil at magsara
Sinubukan ng katawan ngunit 'di kinaya
Oo, nakakadiri para sa iba ang negosyong aking tinatahak
Ngunit wala nang pakialam kung ito man ay ikapahamak
"Karinderya ng mga gutom at hayok sa laman"
Ang negosyo na piniling buksan, dala ng matinding kahirapan
Panunukso ng Upuan
Ni Gigi G. Endraca
Tapos na naman ang isang araw,
Pero heto pa rin ako't nakatanaw
Sa mga nakatangang upuan
Na pinag-iwanan ng mga mag-aaral
Na nagsilisaw
Matapos kong sabihing:
"oras na ng uwian."
Nakita ko ang kasabikan
Habang mabilis na sinasamsam
Ang kalat sa ilalim ng upuan
At itapon sa basurahan.
Isa-isa na silang lumabas ng silid-aralan,
Habang ako nama'y naiwang blangko,
Katulad ng mga upuang nasa harapan ko.
Parang nanunukso:
"Hindi lang kami ang iniwan dito, Tayo."
ANAK, BAGO MO HABULIN ANG BALITA
Ni Kevin A. Amante
Nang magtapos ng kinder
Ipinagmalaki mong
Magiging doktor ka.
Nagpalakpakan ang lahat;
Pinakamalakas ang akin.
Subsob-libro kang nag-aral
Habang kayod-kuba akong
Kuskos-kubetang
Ngumingiti.
Nang magtapos ng hayskul,
Nag-iba ang ihip ng hangin.
Sumangsang ang samyo ng inidoro
Nang sinabi mong
Gusto mong sumulat.
Subsob-notebook kang nagsulat
Habang kayod-kuba akong
Lumuha.
Rizal, anak,
Sana'y lumunas ka na lang
Imbis na nagmulat.
HAMOG SA DAHON NG MAKAHIYA
Ni Lee B. Calaguan
Ang lamig na dulot ng madaling araw
Ay nagsimula nang humupang marahan;
Ang tubig sa hangin ay nagsibabaan,
Dagling kinumutan ang tanang halaman.
May isang butil ng pinong pinong hamog
Ang biglang dumampi at kusang nanuot
Sa mumunting dahong nangagsisitiklop,
Sa may Makahiya'y parang pumanaog.
Katulad mo rin ang hamog na malamig
Na sa Makahiya'y nagpatuping pilit;
Makita ka lamang o kaya'y masilip,
Tumitiklop ako't napapapilipit.
Anupa't ang hamog din ay napapawi,
Makahiyang daho'y bumubukang muli
Waring pag-ibig mong saglit lang at munti,
Di ko aasahang narito palagi.
Bago pa pumutok ang isang umaga
Doon lamang kita sadyang nakikita,
Sandaling kilig lang ang hatid mo, sinta,
Katiting na hamog sa may Makahiya.
--FRJ, GMA News