Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Rolando Balburias, internist, na kahit hindi nakagat ng aso ang isang tao ay maaari pa rin niyang makuha ang nakamamatay na rabies ng hayop. Alamin kung papaano.
Ayon kay Balburias, posibleng magka-rabies ang tao kapag nalawayan ng asong may rabies ang cut o open wound ng isang tao gaya ng nangyari umano sa aktor na si Fernando Poe Sr.
Nasawi si Poe Sr., ama ng namayapa na ring King of Philippine movie na si Fernando Poe Jr., matapos umanong madilaan ng tuta ang sugat ng nakatatandang Poe.
Babala ng duktor, dahil matindi ang rabies virus, kahit kaunting patak lang ng laway ng aso na may rabies ang makalusot sa sugat ay maaaring magdulot na ng kapahamakan sa tao.
Sa taong 2020, target ng Department of Health-National Rabies Prevention and Control Program (DOH-NRPCP) at Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na maging rabies free na ang Pilipinas.
Gayunman, patuloy pa rin na dumadami ang mga Pinoy na nasasawi dahil sa rabies nitong nakalipas na mga taon.
Nitong 2018, nakapagtala ang DOH na 301 katao ang namatay dahil sa rabies, na mas mataas sa nakaraang mga taon.
Alamin ang mga maling akala tungkol sa rabies, at mga dapat gawin kapag nakagat ng aso.
READ: What to know, things to do when bitten, and how to care for your pets
--Jamil Santos/FRJ, GMA News