Para matulungan ang mga Pinoy sa pagboto sa darating na halalan sa Mayo, naglagay ng special feature ang online news website ng GMA para makapag-practice ng pagboto sa balota at puwede pang gamiting kodigo sa pagboto.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita kung papaano makikita sa website ng GMA News.TV ang "My Kodigo" na nasa microsite na Eleksyon 2019 gamit ang desktop computer.
Pindutin o i-click ang tab na "My Kodigo" na nasa dulong bahagi ng Eleksyon 2019.
Sunod nito, piliin ang lugar kung saan ka rehistradong botante.
Bukod sa listahan ng mga kandidatong senador at party-list, makikita rin ang listahan ng mga lokal na kandidato, mula sa pagka-gobernador hanggang sa pagka-konsehan o miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
"Bawal magdala ng cellphone sa polling precincts, right? so ang idea namin, ahead of time, ma-select mo na 'yung mga kandidato na gusto mong iboto. and then on that day, naka-print ka na nung kodigo mo and then kokopyahin mo na lang doon sa actual ballot," paliwanag ni Michaela Agcaoili, SVP for Web and Mobile Operation, GMA News Media, Inc.
Maaaring i-click ang bilog sa tabi ng pangalan ng napupusuang mga kandidato upang umitim ang bilog. Kung sobra ang pinili ng botante sa aktuwal na bilang ng ibobotong mga kandidato, maglalabas ng abiso ang website.
Puwedeng gamiting kodigo ang pinag-praktisan dahil maaari itong i-print at dalhin sa botohan.
Puwede ring makita ang "My Kodigo" kahit gamit ang mobile devices gaya ng mga cellphone at tablet.
Tiniyak naman ni Agcaoili na hindi kokolektahin ng GMA ang anumang datos na ginawang pagbisita at pag-praktis ng pagboto sa website. --FRJ, GMA News